May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Anong 'pros at cons' na kaklase ang parents sa TESDA class?

#BalitaExclusives: Anong 'pros at cons' na kaklase ang parents sa TESDA class?
Photo courtesy: Screenshots from MJ Reginaldo (TikTok)

"A family that studies together, stays together!"

Kinaaliwan sa social media ang ibinahaging kuwento ng netizen na si MJ Reginaldo mula sa Paniqui, Tarlac matapos niyang ipakitang naging kaklase niya sa isang training program ang sarili niyang mga magulang.

Ayon kay Reginaldo, sabay-sabay silang nag-enrol sa kursong automotive sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa panayam sa GMA News, ibinahagi ni MJ na matagal nang interesado ang kaniyang ama sa pagkukumpuni ng sasakyan kaya nagpasya itong kumuha ng kursong automotive. Isinama rin umano siya at ang kaniyang ina sa pag-enrol.

Aniya, naging maayos at masaya ang kanilang karanasan sa klase, at mistulang naging pagkakataon pa ito para sa kanilang family bonding.

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Gayunman, nilinaw ni MJ na kahit magkakaklase sila, hindi sila naging magkakagrupo sa mga group activities sa loob ng training.

Samantala, umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens ang kakaibang setup ng pamilya. Marami ang natuwa at naaliw sa kanilang kwento, habang ang iba naman ay humanga sa dedikasyon ng pamilya na sabay-sabay matuto ng bagong kasanayan.

"Hirap yayaing mag-cutting class niyan haha."

"Sarap niyan, hingi ka lang ng baon haha."

"Hirap mag-absent hahaha, malalaman."

"Magkakaalaman kung kaninong talino ka nagmana haha."

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay MJ, sinabi niyang kaka-graduate lamang niya ng Bachelor of Science in Hospitality Management sa Saint Louis University.

Aminado si MJ na minsan, nakararamdam siyang "weird" ang sitwasyon nila, pero makalipas ang tatlong araw, napagtanto niyang masaya at cool din palang makasama ang mga magulang bilang kaklase.

"Una, it feels weird pero after three days, natanggap ko na rin and masaya naman yung batch namin kasi marami ring kuwela sa class," aniya.

Nagbigay rin siya ng "pros and cons" na kaklase niya ang mga magulang niya.

"Sabay-sabay kami pumapasok ng parents ko at nakakalibre ako, kaso 'di ko nalalabas yung kulit ko sa klase kasi nga nandoon parents ko," natatawang sabi ni MJ.

Good luck sa Reginaldo family at enjoy!

Maki-Balita: Estudyante, ibinida mga magulang niyang kaklase sa TESDA class