‘Ika nga sa isang sikat na kasabihan, “laughter is the best medicine,” dahil naniniwala ang marami na susi ang pagtawa sa pagkakaroon ng maayos na mood at kabuoang kalusugan.
Ayon sa pag-aaral ng Cleveland Clinic, dahil sa bigat na dala ng iba’t ibang pangyayari sa araw-araw, ang pagtawa ay isa sa mga paraan upang ma-activate ang parasympathetic nervous system sa katawan, na pinagmumulan ng “rest and digest” o “feed and breed” response, kung saan, ang pagtibok ng puso ay mas bumabagal at ang paghinga ay lumuluwag.
Ang parasympathetic nervous system ay na-aactivate rin kapag alam ng katawan kung ito ay malayo sa panganib.
Kaya sa iba pang pag-aaral, ang pagtawa ay nakatutulong upang ma-relax ang buong katawan dahil sa pagtanggal ng physical tension at stress.
Gayundin ang pagpapalakas nito sa immune system dahil sa pagbabawas ng stress hormones at pagdadagdag ng immune cells at infection-fighting antibodies, na tumutulong sa katawan labanan ang mga sakit.
Isa pa, napapagaan nito ang mood na dala na bigat at pressure mula sa mga araw-araw na pagsubok, lalo na kung naibabahagi ang pagtawa sa ibang tao.
Dahil sa mga benepisyo ito, kadalasang mapapansin sa mga palabas sa telebisyon na bumebenta ang komedya dahil sa saya at kagaanang dulot nito.
Panghuli, sa pamamagitan rin ng pagtawa, napagtitibay din ang relasyon sa mga kaanak at kaibigan dahil sa paghihilom nito ng mga sama ng loob, stress, at pagpapahayag ng tunay na nadarama.