May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Totoo bang ‘sexually active’ na kababaihan lang ang kinakapitan ng Cervical Cancer?

ALAMIN: Totoo bang ‘sexually active’ na kababaihan lang ang kinakapitan ng Cervical Cancer?
Photo courtesy: Pexels

Kinikilala bilang pang-apat na uri ng cancer na tumatama sa kababaihan, isang buhay kada dalawang minuto ang naitalang nasasawi dahil sa cervical cancer. 

Ayon sa pag-aaral ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), isa sa pinakanagdudulot ng cervical cancer ay ang human papillomavirus (HPV) na naipapasa mula sa pakikipagtalik. 

Habang may iba’t ibang klase ng HPV, ilan sa mga uri nito ay nagdudulot ng pagbabago sa sipit-sipitan o cervix, na kalauna’y nauuwi sa cervical cancer o kaya nama’y genital o skin warts mula naman sa ibang klase. 

Saad pa ng CDC, isa pa sa nagpapataas ng panganib ng cervical cancer ay ang pagkakaroon ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) at iba pang kondisyon na nagdudulot ng lubos na panghihina ng resistensya upang labanan ang mga sakit. 

Dahil dito, kababaihan lang ba na “sexually active” ang puwedeng magkaroon ng cervical cancer? 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Ayon sa National Health Service (NHS), posible pa ring magkaroon ng cervical cancer ang isang babae kahit wala siyang aktibong sex life dahil ang HPV, na itinuturong pinakadulot ng cervical cancer ay naililipat din sa pamamagitan ng mother to child transmission, paghihiraman ng sex toys, o kaya nama’y pagsasalitan ng vaginal fluids sa pamamagitan ng kamay o mga daliri. 

Gayunman, mas mababa ang tiyansa nito kumpara sa mga may aktibong sex life. 

Sa pag-aaral ng Canadian Cancer Society, ang pagiging sexually active sa mas batang edad ay nakapagpapataas ng tiyansa ng cervical cancer, partikular sa panahon ng puberty, dahil dito nagkakaroon ng pagbabago sa cervix. 

Ang pagkakaroon din ng maraming sexual partners ay isa pa sa nakapagpapataas ng tiyansa ng pagkakaroon ng HPV at cervical cancer. 

Ayon pa sa CDC, habang walang senyales at sintomas ang cervical cancer sa unang stages nito, ang advanced cervical cancer ay nakapagdudulot ng pagdurugo o discharge mula sa ari ng babae, partikular, matapos makipagtalik. 

Paano maiiwasan ang cervical cancer? 

Saad sa pag-aaral ng Union for International Cancer Control (UICC), ang Cervical Cancer ay isa rin sa mga itinuturing na “preventable cancers” dahil sa mga paunang bakuna at agarang treatment na nakatutulong upang mabawasan ang kaso ng panganib at pagkamatay dahil dito. 

Ayon sa World Health Organization (WHO), ilan sa mga paraan upang maiwasan ang cervical cancer ay ang mga sumusunod: 

- HPV vaccination sa mga batang babae mula sa edad na siyam hanggang 14. 

- Cervical screening sa kababaihang mula sa edad 30 pataas. 

- Maagang treatment sa mga babaeng may sintomas nito.

- Pagiging non-smoker o pag-iwas sa paninigarilyo. 

- Maagap na paggamit ng condoms. 

- Boluntaryong pagpapatuli para sa kalalakihan.