Isiniwalat ni Caloocan City 2nd District Rep. Egay Erice na hinihikayat niya si dating senador at dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na kumandidato sa darating na pampanguluhang eleksyon sa taong 2028.
Sa pakikipanayam ni Erice sa media nitong Lunes, Mayo 4, naniniwala siyang si Roxas ay isang “qualified candidate” mula sa Liberal Party (LP)—matapos ihayag ni dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo na hindi na siya tatakbo sa national elections.
“I’m convincing Mar Roxas to run, siya ‘yong qualified e,” saad ni Erice sa kaniyang pahayag.
Aniya, “Kung nagtuloy-tuloy nga palagay ko, kung tuloy-tuloy nga ‘yong administration ni PNoy palagay ko maunlad na ang Pilipinas. After 9 years of the Marcos and the Duterte administration, we’re at the bottom.”
Nagkomento rin si Erice kaugnay sa usapin ng pagtakbo ni Robredo sa 2028 presidential elections.
“Ayaw niya, e. ‘Di ba, sinabi niya, ayaw niya? Kung siya, e ‘di siya. Kung siya ang mapili, ‘di ba? Pero sabi niya ayaw niya. Baka magalit na ‘yon kapipilit natin,” ani Erice.
Anang kongresista, pinaniniwalaan niya ang kakayahan ni Mar Roxas, at aniya, kwalipikado itong tumakbo sa pagkapangulo.
Batay pa raw sa pagkakakilala ni Erice kay Roxas, mahal daw nito ang bayan at hindi ito tatanggi sa tawag ng bayan.
Nagsalita rin ang kongresista kaugnay sa posibleng mangyari kung sakaling mapatalsik nga sa puwesto si Vice President Sara Duterte.
“‘Pag na-impeach si Vice President Sara [Duterte], ang maglalaban ‘yong dilaw saka ‘yong pula,” aniya.
“Kaya mas maganda nga hindi ma-impeach e, dahil walang kandidato ‘yong pula—dilaw na lang kami…kami na lang ang kalaban,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Erice ang kaniyang punto sa usapin ng tsansa umano ni Roxas na talunin si VP Sara sa eleksyon.
“Well, kung gusto ng tao na magbago ‘yong buhay nila e ‘di boto nila si Mar. Kung gusto nilang magpatuloy ‘yong nangyayari ngayon, e ‘di magtiis sila,” ani Erice.