Nagbigay ng reaksiyon si Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kaugnay sa pinangangambahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na kahinatnan ng legasiya nito.
Matatandaang sa isang panayam kamakailan kay Marcos, Jr. na nag-aalala siya na posibleng mapawalang-saysay ang legasiya niya ng sinomang susunod sa kaniya.
Pero sa latest Facebook post ni Duterte nitong Martes, Marso 31, sinabi niyang isang kabalintunahan umano na ikinababahala ng Pangulo ang kahahantungan ng legasiya nito.
Aniya, “The only legacy I can think of is the legacy of corruption which clearly you have surpassed that of your infamous father.”
Ayon pa sa kongresista, dedma umano ang mga Pilipino pagdating sa pagpapanatili ng politikal na legasiya. Mas nakatuon umano ang alalahanin ng mga ito sa araw-araw na pakikipagpunyagi sa buhay.
“Legacy is not claimed or protected by words. It is defined by actions, and ultimately, judged by the people,” saad ni Duterte.
Dagdag pa ni Duterte, “Your legacy is your corruption, your weakness, your inability to address the simplest of problems of every Filipino, and of course, your being the one and only bangag president.”
Samantala, ayon naman kay Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro, isa umano sa mga magagandang nagawa ng Pangulo ay ang pangunguna nito sa pagpapaimbestiga ng maanomalyang flood control projects.
“Hindi na ito malilimutan ng mga kababayan natin,” anang Palace Press Officer sa press briefing noong Lunes, Marso 30.