Ngayong World Press Freedom Day, kinikilala at binibigyang-diin ang kahalagahan ng malayang pamamahayag hindi lamang sa buong Pilipinas, bagkus sa lahat ng mga estado at nasyon sa buong daigdig.
Kung kaya’t nito ring Linggo, Mayo 3, nanawagan at umapela ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ng pagsuporta upang ipaglaban ang kalayaan sa pagpapahayag ng katotohanan.
MAKI-BALITA: NUJP, ipinanawagan media freedom, democracy sa bansa-Balita
Naging maugong din ang usapin hinggil sa nakadetine ngayong mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, matapos hatulang guilty sa kasong “terrorism financing.”
Sa kabilang banda, ikinagulat at ikinalungkot din ang pagpanaw ng community journalist na si RJ Ledesma, isa sa 19 kataong namatay sa engkuwentro ng mga armadong grupo at militar sa Toboso, Negros Occidental kamakailan.
Tila nagsisilbing representasyon at mukha ng pamamahayag sa bansa ang dalawa, sapagkat maliban kina Cumpio at Ledesma, malaking numero pa ang naitalang nasa likod ng mga karahasan sa mga tagapaghatid ng katotohanan.
Batay sa numerong inilatag ng NUJP, aabot sa 242 cases ang naitala laban sa mga mamamahayag, sa ilalim ng administrasyong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Photo courtesy: National Union of Journalists of the Philippines/FB
Sa 242 na kasong ito, aabot sa 313 na mamamahayag ang naging biktima ng mga ito—kung saan 238 ay mga indibidwal at 75 ay media outfits.
Photo courtesy: National Union of Journalists of the Philippines/FB
133 sa mga ito ay lalaki, 81 ay babae, 5 ay LGBTQIA+ community, at 94 ay mula sa mga organisasyon.
Photo courtesy: National Union of Journalists of the Philippines/FB
Anang NUJP, ang “perpetrators” ng nasabing insidente ay galing sa mga sumusunod: gobyerno (55), state security (51), mga indibidwal (57), pribadong organisasyon (32), at hindi tukoy (52).
Photo courtesy: National Union of Journalists of the Philippines/FB
Gayunpaman, sa kabila ng mga numero, patuloy ang apela at panawagan para sa mas maigting na kaligtasan at proteksyon para sa mga mamamahayag—na siyang naghahatid ng katotohanan sa bawat pamayanan.