May 21, 2026

Home BALITA National

SILG Remulla, nagpaalala sa mga maglalasing tapos swimming sa Holy Week!

SILG Remulla, nagpaalala sa mga maglalasing tapos swimming sa Holy Week!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Nagbabala sa publiko si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla tungkol sa mga grupong mag-iinom ng alak at saka maglalangoy sa gabi sa pagbabakasyon nila sa paggunita ng Semana Santa. 

Ayon sa naging pahayag ni Remulla sa pagharap niya sa media nitong Martes, Marso 31, 2026, pinaalala niyang “public intoxication” sa mga beach o dagat ang pangunahing sanhi ng mga nagaganap na aksidente o pagkalunod tuwing Holy Week. 

“Dagdag paalala sa lahat ng mga babiyahe. Ang number one cause fatality during the Holy Week is public intoxication in the beach areas,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Nag-iinuman ‘yan hanggang alas dyes, alas onse [ng gabi], lasing na lasing sabay sasabihin nila, ‘swimming muna tayo.’” 

Ani Remulla, aabot daw sa walo ang nalunod sa paggunita ng Mahal na Araw noong 2025 at ang pangunahing sanhi ng mga naturang kaso ay ang paglalangoy nang lasing sa gabi. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Last year, parang umabot tayo ng walo ang nalunod dahil diyan sa nag-iinuman sabay magsi-swimming sila sabay hindi nila alam ang gagawin. Nahahanap na lang sila sa susunod na araw na,” aniya. 

Ani Remulla, nakatakda silang mag-deploy ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa pagsapit ng Mahal na Araw upang magpaliwanag at magbawal umano sa mga maglalangoy paglampas ng 10:00 ng gabi nang nakakainom ng alak. 

“So ide-deploy rin namin ang PNP at Coast Guard sa mga dalampasigan natin na para ipaliwanag at  ipagbawal ang swimming pagkatapos ng alas dyes dahil doon nanggagaling ang lahat ng ating mga napipinsala,” diin niya. 

Samantala, matapos nito, nagawang linawin ng mga mamamahayag kay Remulla kung literal ba na ipagbabawal niya ang paglalangoy paglampas ng 10:00 ng gabi. 

Paglilinaw ng kalihim, hindi raw literal na ipagbabawal at huhulihin ang lalabag dito sa halip ay magbibigay lang sila ng paalala sa mga tao. 

“Papaalala lang namin ‘yong mga naglalasing tapos magsi-swimming kasi doon lang talaga ang lahat ng nalulunod… Hindi naman huhulihin,” ‘ika niya. 

“Hindi naman pinagbabawalan na magsaya habang Holy Week. Huwag lang kayo na magsaya habang nagsi-swimming pa. Tama na ‘yon. Either mag-inuman kayo o mag-swimming kayo pero huwag ninyong pagsasabayin ang dalawa,” pagtatapos pa niya. 

Nagawa ng hikayatin ni Remulla ang mga babiyahe sa Holy Week na marapat umanong tumawag ang mga ito sa national emergency hotline nila na “911” sakali mang makasalamuha sila ng mga aksidente o hindi inaasahang pangyayari sa daan. 

“Paalala lang sa ating mga manlalakbay, kung may makita kayong emergency, kung may makita kayong napipinsala, kung may makita kayo na nakakasagabal sa pagbiyahe, tumawag kayo sa 911,” saad niya. 

“Ang 911 ay may five minutes call time, a response time, agad kaming magre-respond. Tumawag lang kayo sa 911 at siguradong magreresponde ang PNP at Coast Guard sa inyo kung anoman ang emergency na nangyayari,” pagtitiyak pa ni Remulla. 

KAUGNAY NA BALITA: Gov't employees, half-day WFH duty sa Abril 1—Palasyo

KAUGNAY NA BALITA: Semana Santa devotional: Ang pagmamahal at pagpapatawad ng Panginoon