May 22, 2026

Home BALITA National

VP Sara, kinilala sakripisyo ng OFWs sa Middle East sa paggunita ng Holy Week!

VP Sara, kinilala sakripisyo ng OFWs sa Middle East sa paggunita ng Holy Week!
Photo courtesy: VP Sara Duterte (FB)

Binigyang-halaga ni Vice President Sara Duterte sa paggunita ng Semana Santa ang sakripisyo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa gitna ng nagaganap na sigalot sa Gitnang Silangan. 

Ayon sa inilabas na video statement ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Lunes, Marso 30, sinabi niyang panahon ng pagninilay sa naging dakilang sakripisyo ng Panginoon ang paggunita ng Mahal na Araw. 

“Ang Semana Santa ay isang sagradong bahagi ng ating pagka-Pilipino,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Ito ay panahon ng pagninilay ng dakilang sakripisyo ng Panginoon—isang pag-aalay ng sarili na nagpapaalala sa atin na ang tunay na kahulugan ng buhay ay matatagpuan sa paglilingkod sa kapwa.”

Ani VP Sara, kinikilala raw niya ang sakripisyo ng mga OFWs na nasa Middle East dahil ang ginagawa ng mga ito ang tunay raw na halimbawa ng kahulugan ng sakripisyo. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Kinikilala natin ang sakripisyo ng ating mga kababayan, lalo na ang ating mga OFWs sa Middle East. Sa gitna ng kaguluhan, hinihiling natin ang kanilang kaligtasan. Sila ay mga buhay na halimbawa ng sakripisyo, at hinihiling natin ang kapayapaan sa kanilang kinalalagyan,” aniya. 

Pagpapatuloy niya, isapuso raw ng publiko ang kapakanan ng bansa at idalangin ang isang lipunang pinapatakbo ng katotohanan, katarungan, at malasakit. 

“Sa panahong ito ng Kwaresma, isapuso natin ang kapakanan ng ating bansa. Idalangin natin ang isang lipunang pinatatakbo ng katotohanan, katarungan, at tapat na malasakit,” saad niya. 

“Nawa'y magsilbing inspirasyon ang aral ng sakripisyo ni Hesus upang tayo ay magkaisa para sa isang matatag at maunlad na Pilipinas. Ang lahat ng ating ginagawa ay para sa Diyos, sa Bayan, at sa bawat Pamilyang Pilipino,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Importansya ng Semana Santa sa pananampalatayang Katoliko, ayon sa isang pari

MAKI-BALITA: ALAMIN: Tradisyong 'nilulubog sa ilog' politikong may kahiya-hiyang pagkakamali o desisyon