May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Tradisyong 'nilulubog sa ilog' politikong may kahiya-hiyang pagkakamali o desisyon

ALAMIN: Tradisyong 'nilulubog sa ilog' politikong may kahiya-hiyang pagkakamali o desisyon
Photo courtesy: Feste Vigiliane - Trento (FB)

Usap-usapan sa social media kamakailan ang isang post patungkol sa isang kakaibang pakulo sa isang festival kung saan ikinukulong daw sa malaking hawla o cage ang isang politikong nakagawa ng "pinakakahiya-kahiya" o "katangahang" pagkakamali o desisyon para sa kanilang mga nasasakupan.

Patok ito sa Pinoy netizens dahil relate na relate lalo't napag-uusapan ang competence ng mga politiko sa bansa, sa kasagsagan ng isyu ng krisis sa langis at pagresolba sa katiwalian.

Ang nabanggit na post ay mababasa sa Facebook page na "Facts Pinas" na may 43,000 followers. Naka-post ang mga detalye noong Marso 23, 2026.

Mababasa sa post na sa isang probinsya sa bansang Italy, may ginagawa raw sila sa isang festival na tinatawag na "Tonca."

Mababasa sa post, "Sa Trento, Italy, may taunang tradisyon na tinatawag na 'Tonca' bilang bahagi ng Feste Vigiliane tuwing Hunyo. Dito, isang satirical court na tinatawag na 'Court of Penance' ang nagpipili ng local figure, kadalasan ay politiko, na gumawa ng pinaka kahiya hiya o katangahang desisyon sa nakalipas na taon. Sila ang itinuturing na 'worst of the worst.'"

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Dagdag pa, "Kapag nahatulan, ikinukulong ang nagkasala sa isang hawla at seremonyal na inilulubog sa Ilog Adige nang tatlong beses, gaya ng ginagawa noong ika 14 hanggang ika 17 siglo. Hindi ito parusang papatay, kundi isang comedic ritual para pagsabihan at kutyain ang mga lider na bigo sa kanilang tungkulin, sa harap ng libu libong manonood."

Photo courtesy: Screenshot from Facts Pinas/FB

Habang isinusulat ang artikulong ito as of March 29, umabot sa 81k reactions, 9.3k shares, at 5.3k comments ang nabanggit na post.

Ilan sa mga nag-react at nagkomentong Pinoy netizens ang nagsabing totoo man o hindi ang detalye at impormasyong ito, mukhang bagay raw itong gawin dito sa Pilipinas, lalo na sa mga korap. May ilan pang nagsabing baka kulangin pa nga raw ang mga hawla sa Pilipinas kung dito iyon gagawin.

"Baka kulangin ung hawla dto sa pinas"

"Out of stock yang hawla na Yan sa Pinas Haha."

"Di yan uubra sa pinas, Kasi sanay sa tubig mga politiko dito, mga buwaya eh."

"Sana ganyan din sa pinas kahit sa ilog pasig lang"

"try natin sa pinas"

"Baka hindi magkasya sa ilog kung pinas gagawin"

"Sino-sino mga uunahin natin hahahaha."

FACT CHECKING: TOTOO BA ITO?

Batay sa isang online article na nakalathala sa isang website mula sa Italya, totoo ang "Feste Vigiliane" na isinasagawa sa Trento, Northern Italy.

Sa panahon ng “Feste Vigiliane,” ipinagdiriwang ng Trento ang kanilang mga pintakasi o patron saints, partikular si San Virgilio. Makulay ang event na ito dahil sa mga parada, makasaysayang reenactment, mga tradisyonal na pagkain, at marami pang iba.

Sa loob ng isang linggo o week-long celebration, ang mga kalsada sa sentro ng lungsod ay ginagawang parang sinaunang pamayanang medieval, kung saan muling binubuhay ang mga lumang hanapbuhay at inihahanda ang mga tipikal na lokal na pagkain.

May mga palaro, musika, pagtatanghal, at makasaysayang reenactment na inihahandog sa publiko sa mga unang gabi ng tag-init. Kabilang na raw dito ang tinatawag na “Tribunale della Penitenza,” isang kathang-isip na hukuman o court na pinamumunuan ng isang hukom na magpapasya kung sino ang sasailalim sa “La Tonca,” isang sinaunang anyo ng parusa na inilalapat sa kinaiinisang public servant o public figure, kung saan, sila ay inilulubog sa tubig ng Ilog Adige nang tatlong sunod-sunod na beses habang nasa hawla.

Sinegundahan naman ito ng isang online article na nakalathala sa "My Modern Met."

May pamagat ang artikulo na "Northern Italy Has a Tradition of Dunking One Politician in the River Every Year."

Mababasa, "While many could probably name a few politicians who could use a refreshing dunk, there is a traditional ritual in selecting who deserves this “honor.” Prior to the event, the Tribunale di Penitenza (Court of Penance) is held publicly."

Photo courtesy: Feste Vigiliane - Trento (FB)

"This spectacle is a comedic satire in which members of the 'court' nominate people and state their cases for doing so. There is a judge, defense attorney, prosecutor, and even someone who plays the role of the accused."

Dagdag pa, "While those who are nominated aren't blasphemers, which is whom the original punishment was reserved for, they have done something over the course of the year that was scandalous or newsworthy."

Photo courtesy: Feste Vigiliane - Trento (FB)

Halimbawa raw, noong 2022, kabilang sa mga nominado ang huling apat na presidente dahil sa kanilang papel sa pagkaantala ng pagtatayo ng isang bagong ospital, gayundin ang isang nars na sinampahan ng kaso dahil sa pamemeke ng resulta ng mga Covid test.

At hindi rin laging dahil sa mabibigat na kasalanan kung bakit may mga inilalagay para sa parusa. Dalawa pang politiko ang nominado dahil sa kanilang pagtutol sa concert ng sikat na Italian singer-songwriter na si Vasco Rossi.

"The official verdict of the court is announced a few days later and, at that time, whoever was deemed the worst of the worst must take their place inside the cage. They're then ceremoniously dunked in the Adige three times, just as in the past," mababasa pa rito.

Photo courtesy: Feste Vigiliane - Trento (FB)

Wala naman daw dapat ipag-alala dahil wala namang karapatang-pantaong nalalabag, dahil ang ritwal na ito ay ginagawa lamang para sa kasiyahan.

Sa pamamagitan daw ng katatawanan, pinararangalan ng mga lokal ang kanilang nakaraan habang pinapanagot din ang mga taong nakagawa ng mga bagay na hindi naaayon sa kung paano dapat kumilos ang mga taga-Trento, sa paraang mailalabas nila ang "gigil" nila.