Mahabang tradisyon na ng Simbahang Katoliko ang pag-alala sa Semana Santa. Pinaniniwalaang noong una ang orihinal na ginugunita lang ay ang Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Hanggang sa idagdag na rin umano ang araw ng Miyerkules kung kailan pinlano ni Hudas Iscariote ang pagtataksil kay Hesus.
Pagsapit ng ikatlong siglo, isinama na rin ang iba pang nalalabing araw sa buong linggo para sa paggunita ng Semana Santa.
Pero ano nga ba ang halaga nito sa pananampalatayang Katoliko?
Sa eksklusibong panayam ng Balita, tinawag ni Rev. Fr. Warren Puno na “malaking regalo ng Diyos” sa sangkatauhan ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus na taon-taong inaalala.
Si Fr. Warren ay kasalukuyang lingkod-pari sa Our Lady of Peace and Good Voyage Parish sa Barangay Ponon, Atimonan, Quezon.
“Ang mga unang apostol ay ginugunita na nila taon-taon ‘yong pagpapakasakit, kamatayan, at pagkabuhay ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Sino ba naman ang hindi gugunita sa isang malaking regalo ng Diyos, lalo’t higit na kaligtasan,” saad ni Fr. Warren.
Ayon sa kaniya, ang mga Mahal na Araw ay sentro umano ng pananampalataya hindi lang ng mga Katoliko kundi ng mga Kristiyano.
“Sa mga Kristiyano,” sabi ni Fr. Warren, “napakahalaga nito especially ‘yong Easter…’yon ‘yong sentro ng pananampalataya. At siyempre inaalala natin ‘yong bago nabuhay ang ating Panginoong Hesu-Kristo.”
“If the eucharist is the source and summit, the resurrection of Jesus is the center of our faith.[...] Ang lahat ng ito it will point to the resurrection, e,” dugtong pa niya.
Kaya naman, bagama’t ang bawat pagsimba ay maituturing na pag-alala sa sakripisyo ni Hesus, itinalaga pa rin ng simbahan ang Semana Santa para higit na namnamin ng mga Kristiyano ang pag-ibig ng Diyos sa loob ng isang buong linggo.
Aniya, “Kasi sa misa, bagama’t iyon ay pag-alala [at] pagsasangayon ng ginawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo para tayo ay maligtas, pero ‘yong isang linggong ‘yon ay para manamnam natin ‘yong ginawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo.”
Sa huli, nag-iwan ng isang makabuluhang mensahe si Fr. Warren kaugnay sa Semana Santa sa gitna ng kinakaharap pa ring krisis ng mundo bunga ng digmaan.
Ayon sa kaniya, bagama’t totoong karekla-reklamo ang kasalukuyang sitwasyon, napakagandang pagkakataon pa rin ito para yakapin ang mga paghihirap bilang pakikiisa sa sakripisyo noon ni Hesus.
“Pasanin natin ang ating mga krus kung papaanong pinasan ng ating Panginoong Hesu-Kristo ang Kaniyang krus,” ani Fr. Warren.
Dagdag pa niya, “[T]andaan natin, hindi natatapos sa kamatayan. Ibig sabihin, hindi natatapos sa paghihirap ang buhay natin. May pag-asa, sapagkat ang Panginoon ay muling nabuhay.”