Patay ang isang 55-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng isang mister ng babaeng kinakalantari umano niya sa Bukidnon.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nadatnan ng suspek ang biktima sa loob mismo ng kanilang tahanan, kasama ang kaniyang misis.
Bagama’t hindi tinukoy kung ano ang naaktuhan ng suspek, doon na raw nagdilim ang paningin niya at agad na binakbakan ang biktima.
Habang nakikipagbuno ang suspek, sinubukan pa raw tumakbo ng biktima ngunit nahabol ng suspek at saka itinumba at pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Hindi pa umano nakuntento, tinangka ring saktan ng suspek ang kaniyang asawa, subalit nakaiwas ito at hindi nagtamo ng matinding pinsala.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.
Ayon sa pulisya, kusang-loob na sumuko ang suspek matapos ang insidente.
Kasalukuyan siyang nakapiit at nahaharap sa kasong murder. Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang detalye ng pangyayari.