April 29, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Mga naging gamit ng internet noong 1990s

#BALITAnaw: Mga naging gamit ng internet noong 1990s
Photo courtesy: Pexels

Ang dekada 90s para sa marami ay isang makulay na pagsasama ng klasiko at mga papausbong na uso. 

Sa dekadang ito unang narinig ang ilan sa timeless tracks tulad ng “I Want It That Way” at “As Long As You Love Me” ng BackStreet Boys; "Livin' la Vida Loca" ni Ricky Martin; at “Wannabe” ng Spice Girls. 

Dito rin nag-peak ang ilang cartoons at TV Shows tulad ng “Powerpuff Girls,” “Blues Clues,” at ang kilabot episodes ng “Magandang Gabi, Bayan” ni Noli De Castro.

Sa fashion at style, ang dekada 90s ay tinaguriang “Era of Denim” dahil sa pagsikat ng iba’t ibang denim looks tulad ng baggy at ripped jeans, denim jackets, at jumpsuits. 

Sa Pilipinas, nagsilbing “turning point” ng teknolohiya ang dekadang ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon, ang bansa ay nakakonekta sa global internet. 

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang pakikipag-phone pal at telebabad para makahanap ng jowa noon

Marso 29, 1994, pinangunahan ng Pilipinong inhinyero na si Benjamin Tan, na naging unang hakbang sa pagpapapalawig ng potensiyal ng bansa sa pagkatuto at pagsasaliksik, gayundin ang koneksiyon ng edukasyon at mga Pilipino sa mundo. 

Sa patuloy na pag-usbong nito sa mga sumunod na taon, ang mga sumusunod ang ilan sa mga tumatak na gamit ng internet sa dekadang ito: 

Internet Cafe

Sa mga panahong ito pinaniniwalaang unang nauso ang terminong “internet cafe” na tinatawag ding “cybercafe,” kung saan, ito ay nagsilbing espasyo ng publiko sa komunikasyon gamit ang mga computer. 

Dahil hindi pa gaanong laganap ang pagkakaroon ng kaniya-kaniyang computer ang maraming pamilya sa panahong ito, ang mga internet cafe ay lugar na pinagtitipunan ng iba’t ibang mamamayan, mapa-estudyante man gamers, o mga manggagawa na nais magsaliksik, makipag-usap sa iba, o maglaro. 

IRC (Internet Relay Chat) 

Bago pa ang social media na ginagamit na ng lahat sa kasalukuyan, ang IRC ay ang nagsilbing sentro ng komunikasyon sa mga internet cafe noong dekada 90s. 

Ayon sa mga lathala, uso na rito ang paggamit ng kakaibang “nicknames” at chat rooms na nagsisimula sa “#,” gayundin ang kultura ng “Age, Sex, Location (ASL) please” at “Eyeball (EB)” o ang personal na pakikipagkita sa estrangherong nakausap online. 

Dial-up internet access

Isa pa sa mga nami-miss ng maraming batang 90s sa paggamit nila ng internet noong mga panahong ito ay ang dial-up modems, kung saan, kinakailangan itong i-plug sa isang desktop computer upang makakonekta. 

Ayon sa iba’t ibang lathala, ito ay kadalasang mabagal, mahal, at limitado, at nadidiskonekta kapag nakatatanggap ng tawag. 

Electronic mail (Email)

Isa sa mga naging pinakaimportanteng uri ng komunikasyon noong dekada 90s ay ang email, bilang alternatibo sa mga liham at fax. 

Dito lumabas ang ilang libreng webmail services tulad ng “Hotmail” at Yahoo Mail,” dahil kadalasang ginagamit ang email sa mga pormal na komunikasyon na nangangailangan ng mataas na lebel ng kaalaman sa umuusbong pa lamang na teknolohiya.