Naging matunog ang pangalan ni Atty. Manases “Mans” Carpio matapos rumesbak sa kinasasangkutang impeachment complaints ng misis na si Vice President Sara Duterte, matapos niyang sampahan ng kasong kriminal ang mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ilang solon sa Kamara na kasama sa House Justice Panel.
Sa nasabing reklamo, iginiit na ang mga opisyal na ito ay umano’y pilit na inilalahad ang mga kumpidensyal na banking records na protektado sa ilalim ng Republic Act (RA) 9160 o ang “Anti-Money Laundering Act (AMLA), na inamyendahan bilang RA 1405 o ang “Bank Secrecy Law” at RA 10173 o ang “Data Privacy Act.”
Kasunod ito ng impeachment complaint kung saan iniulat ang umano’y mga kaduda-dudang bank transactions na umaabot sa ₱6.77 bilyon na inuugnay kina Duterte at Carpio sa mga nagdaang dalawang dekada.
Sa halagang ito rin, naiulat na ₱4.425 bilyon ang pumasok sa bank account ng mag-asawa habang ₱1.554 bilyon naman ang lumabas.
Kasama rin dito ang umano’y ₱791 milyon na hindi matukoy kung inflow o outflow bunsod ng limitasyon ng lumang sistema ng AMLC.
Saad ni Carpio, napilitan siyang magsampa ng kaso bilang pagtatanggol sa kaniyang asawa, pamilya, at ang sektor ng pagbabangko.
MAKI-BALITA: Resbak ni hubby: Mister ni VP Sara, kakasuhan mga opisyal ng BSP, AMLC at ilang mambabatas!
KAUGNAY NA BALITA: 'We did not violate any law!' Rep. Luistro, kumuda laban sa mister ni VP Sara!
Kaya nitong Lunes, Abril 27, ipinaliwanag ng legal counsel ni Carpio na si Atty. Peter Paul Danao sa media na nais tumbukin ng kanilang reklamo ay kung may karapatan daw bang magpalabas ng transaction reports ang AML dahil pinipilit umano na idawit si Carpio sa impeachment, bagama’t siya’y pribadong indibidwal.
“Ang kaso naman na isinampa rito, hindi po yung isyu kung 'totoo o hindi.' Ang isinampa naming kaso eh, 'Tama ba na ginawa ng AMLC na magpalabas daw ng mga transaction reports?' ani Danao.
“Ngayon kung sinasabing totoo o hindi, hindi na dapat dito sa piskal sagutin 'yon, siguro dapat, baka dapat sa impeachment court. Eh hindi naman po parte ng impeachment si Atty. Carpio, pinipilit po siya na madawit sa impeachment na pribadong indibidwal,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: Atty. Mans Carpio nagsampa ng reklamo; pilit daw siyang dinadamay sa impeachment!
Dahil dito, sino nga ba si Atty. Carpio?
Si Manases ay anak nina Lucas Claudio Carpio Jr., na isang abogado, at Agnes Reyes-Carpio, na nanilbihan bilang associate justice ng Court of Appeals (COA).
Pamangkin din siya ni Conchita Carpio-Morales na naupo bilang Ombudsman mula 2011 hanggang 2018.
Si Manases ay nakapagtapos ng Bachelor of Arts in Political Science mula sa De La Salle University at Bachelor of Laws (LL.B.) naman mula sa San Sebastian College-Recoletos.
Taong 2004, nakapasok sa Philippine Bar si Manases, at pagkatapos ay nagpatuloy sa pag-aabogasya sa Davao City, kung saan, ayon sa mga ulat, siya ay nakatuon sa mga pampribadong sektor.
Personal na buhay
Nagkakilala sina Manases at Sara noong nag-aaral pa sa San Beda ang ngayo’y bise presidente.
Taong 2007, ikinasal ang dalawa sa Santuario de San Antonio, Forbes Park, Makati, kung saan kalauna’y nagkaroon sila ng apat na anak, na nananatiling mailap sa publiko bilang proteksyon.
Bilang mga abogado, naitayo ng mag-asawa ang “Carpio & Duterte Lawyers” law firm na nakabase sa Davao City, at nakatuon sa iba’t ibang kaso tulad ng labor, commercial, criminal, corporation, at real estate.