Pinasimulan ng Marvel Comics ang National Superhero Day sa Amerika noong 1995, lampas tatlong dekada na ang nakalilipas.
Ginugunita ito tuwing ika-28 ng Abril upang parangalan ang mga totoo at fiksyonal na bayani na lumalaban sa panig ng tama at katotohanan.
Kung gayon, nararapat lang din na alalahanin ang mga taong lumikha ng mga superhero na hinahangaan at pinaghuhugutan ng pag-asa ng marami.
Gaya halimbawa ni Mars Ravelo. Kung may Stan Lee ang Amerika, may Mars Ravelo naman ang Pilipinas. O baka nga si Stan Lee ang Mars Ravelo ng Amerika.
Si Ravelo, na ang buong pangalan ay Marcial Custodio Ravelo, ay isinilang sa Tanza, Cavite noong Oktubre 9, 1916. Itinuturing siya bilang alamat sa kasaysayan ng Pinoy komiks.
Siya lang naman ang lumikha sa mga iconic character sa mga pahina ng komiks na sina Darna, Captain Barbell, Dyesebel, Flash Bomba, Lastikman, Tiny Tony at marami pang iba.
Karamihan sa mga ito ay naisalin na bilang pelikula at serye sa telebisyon sa pagi-pagitan ng panahon.
Hindi naman kataka-kataka kung makalikha ng ganitong uri ng sining ang malikot na isip ni Ravelo. Musmos pa lang, binusog na ang utak niya ng sanlaksang ideya mula sa mga librong binasa niya noon bilang certified tambay sa pampublikong aklatan.
Kaya bagama’t hindi nakatapos ng high school, hindi ito naging hadlang kay Ravelo para maabot ang buong potensyal niya bilang manlilikha.
Pero gaya rin ng maraming struggling artists, sumabak din sa iba’t ibang trabaho si Ravelo para maitawid ang araw-araw na buhay. Namasukan siya bilang janitor.
Isa sa mga nagsilbing mentor ni Ravelo sa sining ng komiks ay si Tony Velasquez, na kinikilala bilang isa sa mga founding fathers ng Pinoy komiks.
Sa loob ng 71 taon ng pag-iral ni Ravelo sa mundo, nakapaglabas siya ng mahigit 300 akda. Pumanaw siya noong Setyembre 12, 1988 dahil sa atake sa puso.
Pero bago ito, ginawaran siya ng Life Achievement Award mula sa Komiks Operation Brotherhood bilang pagkilala sa ambag niya sa industriya ng komiks kasama ang mentor niyang si Velasquez, Francisco V. Coching, Jose Zabala-Santos, Larry Alcala, Francisco Reyes, at J.M. Perez.