Kinumpirma ng Ombudsman ang rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) na tuluyang sampahan ng plunder case si Sen. Jinggoy Estrada at iba pa, kaugnay ng kontrobersyal at maanomalyang proyekto ng flood control.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, kabilang ang pangalan ni Estrada sa mga "primary respondents" na laman ng resolusyong ikinasa ng DOJ.
"The primary respondents named in the resolution of the DOJ include Senator Jose "Jinggoy" Ejercito Estrada," ani Clavano sa press conference nitong Lunes, Mayo 18, 2026.
Kasama rin sa pangalang binanggit ng DOJ si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manny Bonoan.
Samantala, tumanggi namang magkomento si Estrada hinggil sa plunder case na ibinabala laban sa kaniya.
“No comment,” saad ni Estrada sa media.
Pahabol pa niya, “Talk to my lawyer.”
Matatandaang bukod kay Estrada ay nauna na ring inihayag ng Ombudsman ang kasong inihahanda laban kay Sen. Chiz Escudero at dating House Speaker at Leyte 1st district Rep. Martin Romualdez.
KAUGNAY NA BALITA: 'Flood control-related!' Romualdez, Escudero, napipintong makasuhan ng plunder
Sa mga kasalukuyan at dating senador, tanging si dating Sen. Bong Revilla pa lamang ang naaresto bunsod ng kaugnayan umano sa flood control projects.