Ipinaliwanag ni Sen. Juan Miguel Zubiri kung bakit pinili niyang ma-associate sa Senate minority bloc, sa naganap na plenary session nitong Lunes, Mayo 18, bago mag-convene ang Senado bilang impeachment court.
Habang kinakapanayam ng media ang kasamahang si Sen. Win Gatchalian, biglang sumingit si Zubiri at ibinidang personal na kandidato raw niya sa pagka-SP si Gatchalian.
"May I just say, this [Gatchalian] is my candidate for Senate President," ani Zubiri sabay himas sa ulo ni Gatchalian.
Maya-maya, umalis na si Gatchalian at tinanong naman ng media si Zubiri kung bakit mas pinili niyang umanib sa minority bloc.
Sagot ni Zubiri, tila natauhan daw siya sa mga nangyari sa Senado sa mga nagdaang araw.
"After what happened last week, with the handling of the shootout here in the Senate, natauhan ako, nabulag ako para sa institusyong ito," aniya.
"Napaisip ako nang malalim. Tinanong na ako ng mga anak ko kung bakit nagkaganito sa Senado. So I prayed hard and sought for discernment, and I said it's about time to make a stand, na maiba ang mga pangyayari dito sa Senado, na maibalik natin ang dignidad ng Senado," aniya pa.
"For the first time in history, nagkaputukan dito. Nagkagulo-gulo. That was never happened in the history of this great body, so I made a decision," paliwanag pa niya.
Maki-Balita: Zubiri, kandidato sa pagka-SP si Gatchalian; nagpaliwanag bakit sa minority bloc pumanig!
Ang tinutukoy na shootout ni Zubiri ay ang naganap na putukan sa loob ng Senado noong Miyerkules, Mayo 13, kung saan, dinarakip daw ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, kaugnay sa kasong crimes against humanity na kinahaharap din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang kinumpirma ng ICC na noong Nobyembre 2025 pa sila nag-isyu ng warrant of arrest laban kay Sen. Bato.
Samantala, kahit na umanib sina Zubiri at Sen. JV Ejercito, na dating independent, sa minority, hindi pa rin nito natibag ang majority kaya nanatili pa rin si Senate President Alan Peter Cayetano sa liderato ng Senado.