April 29, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Nakamamatay ba ang paghilik?

ALAMIN: Nakamamatay ba ang paghilik?
Photo courtesy: Unsplash

“Ang lakas mo maghilik, baka susunod hindi ka na magising!”

Bagama’t nakakainis para sa marami, isa ito sa mga paniniwalang kinatatakutan tuwing naririnig ang malakas na hilik ng kasamang himbing sa pagtulog. 

Ayon sa pag-aaral ng National Health Service (NHS), ang paghihilik ay dulot ng vibration sa dila, bibig, lalamunan, o kaya nama’y daanan ng hangin sa ilong, na kadalasang sumisikip kapag natutulog ang isang tao. 

Mataas din ang posibilidad ng paghihilik sa mga taong overweight, naninigarilyo, sobrang umiinom ng alcohol, at pagtulog ng nakatihaya dahil sa pag-atras ng dila at soft palate. 

Dahil dito, nakamamatay nga ba ang paghilik sa pagtulog? 

Human-Interest

ALAMIN: Mga senyales na nakararanas na ng ‘burnout’ sa trabaho

Batay sa pag-aaral ng Johns Hopkins Medicine, habang hindi maituturing na mapanganib ang mismong paghilik, ito ay itinuturing na sintomas ng mas seryosong kondisyon sa pagtulog na maaari ding maging banta sa buhay. 

Saad pa rito, ang malakas na paghilik na sinamahan ng putol-putol na paghinga at malakas na pagbuga ng hangin ay senyales ng “Obstructive Sleep Apnea,” na isang mataas na risk factor ng sakit sa puso. 

Ang putol-putol na paghingang ito ay nangyayari mula 20 hanggang 30 beses kada oras, dahil dito, bumabagsak ang oxygen levels sa dugo at sinusubukang gisingin ng utak ang indibidwal mula sa pagkakatulog upang huminga, sa pamamagitan ng stress hormone na adrenaline. 

Kaya ang mga taong may sleep apnea ay maaaring makaranas ng iba’t iba pang health risk tulad ng mga sumusunod: 

- Iregular na tibok ng puso

- High blood pressure

- Mataas na posibilidad ng atake sa puso at stroke

- Mataas na panganib ng diabetes 

- Mataas na panganib ng insidente sa kalsada dahil sa pagkaantok sa umaga. 

Dahil dito, ayon sa Sleep Foundation.org, binanggit na makakatulong ang pagkakaroon ng lifestyle change upang mabawasan ang paghihilik. 

Maaari itong simulan sa pagbabawas ng timbang, pag-iwas sa pag-inom ng alcohol o anumang sedative medications sa gabi, at pagtulog ng nakatagilid. 

Sa iba pang mga pag-aaral, ipinapayo ang agad na pagpunta sa isang espesyalista kung hindi gagana ang mga natural na remedyang nabanggit at kung may senyales na ng sleep apnea. 

Ilan sa mga posibleng itanong ng espesyalista ay ang oras ng tulog, obserbasyon ng partner o sinumang kasama sa kwarto habang natutulog, at pakiramdam sa maghapon.