April 29, 2026

Home BALITA National

Piso, muling sumadsad; ₱61.567 na kontra dolyar!

Piso, muling sumadsad; ₱61.567 na kontra dolyar!
Photo courtesy: via Balita


Naitala na naman ng Philippine peso (Php) ang “new record low” nito matapos lumagapak ang halaga nito kontra United States dollar (USD).

Batay sa datos ng Bankers Association of the Philippines (BAP) nitong Miyerkules, Abril 29, umabot sa ₱61.567 ang palitan ng piso at dolyar, mas mababa kumpara sa nauna nitong record na ₱61.30 noong Martes, Abril 28.

Tinitingnang dahilan sa patuloy na pagbulusok nito ay ang sigalot ng Amerika, Israel, at Iran; paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo; at ang binabantayang Federal Reserve sa Estados Unidos.

Hindi hamak na lampas na ito sa naitalang ₱60 na palitan noong buwan ng Marso.

MAKI-BALITA: Bagong record low! Piso, lumagapak sa ₱60 kontra dolyar-Balita

Matatandaang sinabi ng Palasyo kamakailan na ayaw umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pumalo sa ₱60 ang palitan ng dalawang pera.

“Ayaw po sana, ayaw po ng Pangulo na umabot pa ito sa ₱60 na palitan,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary  at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa isang press briefing ng PCO kamakailan.

MAKI-BALITA: PBBM, ayaw umabot sa ₱60 palitan ng piso kontra dolyar-Balita