Inilahad sa publiko ni Rear Admiral Jay Tarriela na tila aksidente lang daw ang pagkakatalaga sa kaniya bilang spokesperson ng Philippine Coast Guard (PCG) noon.
Ayon sa naging panayam sa “From The Heart” ng mamamahayag na si DJ Chacha kay Tarriela na inupload niya sa YouTube noong Biyernes, Marso 27, 2026, sinabi ng rear admiral na aksidente lang daw siyang naitalagang spokesperson.
“Alam mo, DJ Cha, ang pagiging spokesperson ko, accidental lang,” pagsisimula niya, “I’m the first spokesperson and still the spokesperson.”
Paliwanag muna ni Tarriela, kumuha raw siya ng Masteral sa Tokyo mula 2015 hanggang 2016, at nakakuha ng scholarship upang mag-aral ng Doctor of Philosophy (PhD) muli sa Tokyo mula 2017 hanggang 2021.
Ani Tarriela, Marso 2022 raw nang magbalik siya sa Pilipinas at kinuha siya para maging adviser ng PCG ng dating Admiral at kasalukuyan nang alkalde ng Malvar, Batangas na si Mayor Artemio M. Abu dahil sa tinapos at naging disertasyon niya sa Doctoral tungkol sa West Philippine Sea (WPS).
“Noong 2022, March, Admiral Abu… he asked me kung puwede akong maging adviser for the West Philippine Sea. It’s because they all believed na sayang naman ‘yong inaral ko. ‘Ito naman ang PhD dissertation mo, e ‘di you might as well advise us what to do,’” pagsisimula niya.
Anang spokesperson, hanggang sa magkaroon daw ng bagong administrasyon nang maging Presidente si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at napagdesisyunan ng pamahalaan na maging “transparent” sa mga usapin tungkol sa WPS.
“Nagkaroon tayo ng bagong Presidente, nagkaroon na tayo ng bagong… pagdating sa isyu ng West Philippine Sea. The national government decided to be transparent about the issue in the West Philippine Sea,” aniya.
Pagkukuwento niya, “Si Commandant [Adu] mismo ang humarap sa media noon and I can still remember… 7:00 o’clock ‘yon e. As early as 5:30 [am], nagre-rehearse na kami ni Commandant. Alam mo naman kapag ANC, English-an. Sabi niya, ‘Huwag na nating pag-usapan kung ano ‘yong naging turned out ng interview.’”
Pagpapatuloy ni Tarriela, nang matapos daw ang panayam nila kasama si Mayor Abu ay tinawagan siya ng aide nito noon at inutusan siyang maglabas ng order na tumutukoy na sa kaniyang sarili bilang spokesperson ng PCG.
Paliwanag niya, naka-oo na raw kasi ang dati niyang Commandant sa mamamahayag na si Ted Failon at kailangan niya itong harapin kinabukasan para talakayin ang usapin noon sa WPS.
“Pagdating ng hapon, tinawagan ako no’ng aide niya. During that time I was also the Chief of Coast Guard personnel, CG I, at the same time adviser. Sabi no’ng aide niya, ‘Sir, sabi po pala ni Commandant, isyuhan n’yo ng order ‘yong sarili n’yo na you are designated as Coast Guard’s spokesperson for the West Philippine Sea,” paglilinaw niya.
“Sabi ko, Bakit?’ Sabi niya, ‘Umoo ka kasi, Sir, si Commandant kay Mr. Ted Failon ay bukas na po ‘yong interview. Ayaw na po niyang magpa-interview. Kayo na lang daw.’ Kaya ‘yon ‘yong first interview ko si Sir Ted. The topic was the harassment of Filipino fishermen,” pagtatapos pa ni Tarriela.
KAUGNAY NA BALITA: PCG spox Jay Tarriela, narating posisyon nang walang backer