Nahagip ng CCTV ang tatlong lalaki na sangkot umano sa pagkuha ng gasolina mula sa isang nakaparadang tricycle sa Barangay Lanting, Roxas.
Sa unang kuha ng camera, makikitang dalawang lalaki ang nagtutulak ng isang motorsiklo sa kalsada. Sa hiwalay na footage, namataan naman ang isa pang lalaki na naglalakad sa parehong lugar.
Batay sa imbestigasyon ng barangay, pinaniniwalaang pinagtulungang kunin ng tatlo ang gasolina mula sa isang tricycle na nakahinto sa gilid ng kalsada.
Sa isa pang video, makikita ang tatlong lalaki na mabilis na umalis sakay ng motorsiklo matapos ang insidente.
Ayon sa may-ari ng tricycle na si Philord Rubis, tinatayang mahigit ₱400 halaga ng gasolina ang nawala sa kanyang sasakyan.
Sa kabila ng insidente, hindi na umano nagsampa ng reklamo sa pulisya ang biktima.
Samantala, matatandaang isang insidente rin ng pagnanakaw ng gasolina sa nakaparadang tricycle ang napaulat mula naman sa probinsya ng Bulacan.
Ayon sa mga ulat, mistulang tiniktikan ng rider ang pagbaba ng driver mula sa kaniyang tricycle bago nito sinunggaban ang gasolina.
Napag-alamang kaka-full tank lang daw sana ng driver sa kaniyang tricycle dahil ginagamit niya ito pangsundo at panghatid sa kaniyang anak.
Mapapanood sa CCTV ang paglapit ng suspek na may dala-dalang puting container. Bigla siyang sumakay sa loob ng tricycle at pagbaba niya ay muli siyang sumakay sa motorsiklo niya at dali-daling umalis.
Doon na nakita na may laman at halos mapuno na ang white container na dala ng suspek.
KAUGNAY NA BALITA: 'Di sinanto!' Tricycle na nakaparada sa kapilya, ninakawan ng gasolina!