Idiniin ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na tanging si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa lang daw ang nakinabang sa naganap na kaguluhan sa Senado noong gabi ng Mayo 13, 2026.
Matatandaang nagulantang ang publiko noong Miyerkules, mayo 13, dahil sa umalingawngaw na magkakasunod na putok ng baril sa Senado mula sa mga miyembro ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at National Bureau of National Investigation (NBI).
Matapos nito, base sa impormasyon ng Philippine National Police (PNP), bandang 2:30 ng madaling-araw nakaalis sa Senado si Dela Rosa at hinihinalang lulan ng puting sasakyan na may plakang “DAV 1225” na nakarehistro raw sa pangalan ni Sen. Robin Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: 'Si Sen. Bato nga tumatakbo!' Castro, nabahala baka gayahin ng mga wanted si Dela Rosa
Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isang panayam sa kaniya noong Martes, Mayo 19, sinabi niyang tila nadismaya lang daw si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga naganap na kaguluhan sa Senado.
“Nakakadismaya kasi puwedeng na-prevent ang anomang gulo kung hindi plinano. Kung talagang hindi ito plinano, madali naman kasing magawan ng paraan. Lahat naman sila ay hindi bagito sa pagiging public servant,” pagsisimula niya.
Diin ni Castro, wala naman daw magaganap na kaguluhan kung hindi naging agresibo ang OSAA at nagpaputok sa NBI.
“Kung inuna na makipag-ugnayan sa NBI director at hindi naging agresibo sa pagkasa ng kanilang mga long firearms, at sa pag-warning shot, wala namang makikita ritong kaguluhan,” ‘ika niya.
Ani Castro, tanging ang nakatakas lang daw na si Dela Rosa ang nakinabang sa nangyaring insidente sa Senado.
“Itong gulo na ito, sabi nga natin, eventually ang naka-gain ng pabor ay si Sen. Bato kasi wala na siya sa Senado,” aniya.
Paala ni Castro, dapat daw na laging isipin ng mga public servant ang epekto ng mga ginagawa nilang gulo sa takbo ng ekonomiya sa bansa at hindi raw dapat puro sa sarili kapakanan lang.
Buwelta ni Castro, wala na naman daw ibang sisisihin sa naganap na kaguluhan kundi ang Pangulo samantalang hindi naman daw ito nag-iisip ng ikakagulo ng bansa.
“Ang Pangulo, hindi siya nag-i-start ng ganitong klaseng gulo. Sinong Pangulo ang mag-iisip na dapat ang bansa niya [ay] magulo? Wala. Dahil siya ang maapektuhan niyan,” saad niya.
“Ngayon, sino ang gumagawa ng gulo para maapektuhan ang Pangulo at ang administrasyon na ito, alam naman natin kung sino, ‘di ba?” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi naman na muling namataan ng publiko ang presensya ni Dela Rosa magmula noong makatakas siya sa mga awtoridad sa naganap na putukan sa Senado.
KAUGNAY NA BALITA: 'Si Sen. Bato nga tumatakbo!' Castro, nabahala baka gayahin ng mga wanted si Dela Rosa