Ikinababahala raw ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na baka gayahin ng iba pang mga wanted na indibidwal ang naging pagtakbo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga awtoridad para sana masilbihan siya ng warrant of arrest.
Matatandaang naging mainit ang tensyon sa Senado noong Mayo 11, 2026, nang takbuhan ni Dela Rosa ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) nang sabihan umano siyang sisilbihan siya ng arrest warrant mula sa inisyu ng International Criminal Court (ICC).
Base naman sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), bandang 2:30 ng madaling-araw noong Huwebes, Mayo 14, nakatakas si Dela Rosa sa Senado matapos maganap ang putukan noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP
Ayon naman sa naging pahayag ni Castro sa isang panayam sa kaniya noong Martes, Mayo 19, sinabi niyang nakakaladkad lang daw ang ahensya ng kapulisan dahil sa ginawa ni Dela Rosa.
“Alam mo kung sino ang nasisira dito? Ang mismong mga kapulisan. Bakit? E, dati siyang PNP chief. So, ikaw na dapat nagpapatupad ng warrant of arrest,” pagsisimula niya.
Buwelta ni Castro, muli raw lumitaw sa social media ang video at pahayag ng kapuwa senador ni Dela Rosa na si Sen. Robin Padilla noong sibilyan pa lang daw ang huli tungkol sa pagsasabi nitong dapat na sumama ang isang indibidwal sa mga awtoridad kung may warrant of arrest sa mga ito.
“Sabi nga ni Sen. Robin noong time na siya pa ay sibilyan. Sabi niya, kahit may kuwestiyon kayo sa warrant of arrest, aba’y sumasama sila sa awtoridad kapag sila ay isinasama,” aniya.
Dagdag pa niya, “Bakit kakaiba ngayon? Kung may kuwestiyon tungkol sa warrant of arrest mo, hindi ka dapat tumakbo, dapat ikaw ay sumasama. ‘Yan ang unang advice ni dating hindi pa senador Robin Padilla.”
Pag-aalala ni Castro, baka raw gayahin ng mga wanted na indibidwal ang ginawa ni Dela Rosa na pagtakbo sa mga awtoridad na nagsisilbi ng warrant of arrest.
“Ito ay nakakasira in a way dahil baka gayahin sila no’ng mga wanted—’yong mga taong may warrant of arrest—na takbuhan ang mga kapulisan o ‘yong nagse-serve ng warrant of arrest,” ‘ika niya.
Diin pa niya, “Bakit? Si Sen. Bato nga tumatakbo at ipinagtatanggol pa ng kaniyang mga kabaro na matataas pa ‘yong posisyon sa gobyerno.”
Pagpapatuloy ni Castro, ang bilis daw damputin ng mga taong walang kaya at impluwensya habang marami naman ang nagtatanggol sa mga kagaya ni Dela Rosa na may posisyon sa gobyerno.
“Kapag walang kaya at walang impluwensya, andaling damputin. Madaling arestuhin. Pero kapag may posisyon sa gobyerno, andaming justification, andaming nagtatanggol, andaming nagcocover-up,” pagtatapos niya.
Samantala, hindi naman na muling namataan ng publiko ang presensya ni Dela Rosa magmula noong makatakas siya sa Senado.
Sa tala ng PNP, hinihinala nilang lulan si Dela Rosa noong madaling-araw noong Huwebes ng isang sasakyan puti na may plakang “DAV 1225” at nakarehistro raw sa pangalan ni Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: 'All the evidence points that there was no attack on the Senate!'—SILG Remulla