Mariing nanindigan sa publiko si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na wala raw naganap na pag-atake sa naganap na putukan sa Senado noong Mayo 13, 2026.
Matatandaan kasing nagulantang ang publiko sa umalingawngaw na mga putok ng baril sa Senado noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, mula sa mga opisyal ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong mag-warning shot ang naunang nabanggit na grupo.
Ayon naman sa naging pahayag ni Remulla sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Mayo 19, sinabi niyang nagkaroon na raw sila ng maraming konklusyon sa natapos na anim na araw na imbestigasyon sa naturang insidente.
“Gusto ko pong isaad pagkatapos ng anim na araw na masusing imbestigasyon, paghagilap ng lahat ng available videos, interviews, affidavits, ay marami po kaming konklusyon na nakuha,” pagsisimula niya.
Pagtitiyak ni Remulla, wala raw naganap na pag-atake sa Senado noong Mayo 13 mula sa mga miyembro ng mga awtoridad.
“For the record, all the evidence points that there was no attack on the Senate,” aniya.
“I would like to repeat, all the evidence points that there was no attack on the Senate,” pag-uulit at pagdidiin pa ni Remulla.
Base naman sa impormasyong inilahad ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., sa isinagawa ring press briefing ng PCO nitong Martes na bandang 2:30 ng madaling-araw noong Huwebes, Mayo 14, nang opisyal na nakaalis ng Senado si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa kabila ito ng opisyal na inilabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa kaugnay sa naganap na giyera kontra droga sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noon.
Hindi na muli pang namataan ng publiko si Dela Rosa mula nang makatakas siya sa mga awtoridad noong Mayo 14 at hindi na rin ito dumalo sa sesyon at pag-convene ng Senado bilang Impeachment Court noong Lunes, Mayo 18, laban kay Vice President Sara Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, tikom sa isyung 'staged' umano ang kaguluhan sa Senado