Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na 2:30 ng madaling-araw daw noong Huwebes, Mayo 14, 2026, nang makatakas si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga awtoridad matapos ang anim na oras magmula nang maganap ang putukan sa Senado noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13.
Ayon sa naging pahayag ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Mayo 19, ipinakita niya sa publiko ang time frame mula nang umapela si Dela Rosa ng suporta sa publiko bandang 5:23 ng hapon noong Mayo 13 hanggang sa makalabas ito sa Senado madaling-araw noong Mayo 14.
Screenshot mula sa RTVM.
Base sa time frame na isinapubliko ni Nartatez, hinihinala raw nilang sumakay si Dela Rosa sa isang puting sasakyan na may plakang “DAV 1225” at napag-alaman nilang nakarehistro ang nabanggit na sasakyan kay Sen. Robin Padilla.
Screenshot mula sa RTVM.
Samantala, hindi naman muli pang namataan ng publiko si Dela Rosa matapos ang naging putukan sa Senado mula sa mga awtoridad.
Hindi rin nagawang dumalo ni Dela Rosa sa isinagawang sesyon at pagko-convene ng Senado bilang Impeachment Court noong Lunes, Mayo 18.
Tanging si Dela Rosa lamang ang nag-iisang senador na hindi nakapanumpa para maging senator-judge sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: 'All the evidence points that there was no attack on the Senate!'—SILG Remulla