May 22, 2026

Home BALITA National

Kung sakaling mapatalsik: Sinumang senador, kongresista puwede palitan ang VP—Comelec

Kung sakaling mapatalsik: Sinumang senador, kongresista puwede palitan ang VP—Comelec
Photo courtesy: COMELEC/FB, Senate of the Philippines/FB, House of Representatives of the Philippines/FB


Ipinaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) ang sinusunod na panuntunan patungkol sa posibleng hahalili sa isang opisyal ng pamahalaan, partikular na ang Bise Presidente, kung sakaling ito man ay ma-impeach.

Kaugnay ito sa kasalukuyang impeachment process na isinagawa ng Senado laban kay Vice President Sara Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano nga ba umaarangkada ang impeachment process sa Kamara at Senado?-Balita

Sa isinagawang Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Mayo 20, inilahad ni Comelec chairman George Erwin Garcia na ito raw ay nakalagay sa probisyong nasasaad sa Konstitusyon.

“Nakalagay po sa probisyon ng Article 7 of the Constitution—dahil sa impeachment na pinag-uusapan—in case of vacancy sa posisyon na halimbawa po ay Vice President, ang papalit po diyan ay pipili ang Pangulo ng isa sa mga miyembro ng Senado o mababang kapulungan,” saad ni Garica.

Aniya, “At ‘yon pong pagpili niya dapat with the consent of the majority of the members of the Senate and the members of the House of Representatives voting separately, hindi po voting jointly.”

“So, majority ng Senado [ay] 13; majority ng House of Representatives [ay] 150 something ang dapat na makukuha para sumang-ayon,” dagdag pa niya.

Anang chairman, wala naman daw timeline na sinusunod ang naturang proseso.

“Wala naman pong binanggit ang Saligang Batas tungkol sa period na kinakailangang magkaroon ng appointment,” aniya.

Matatandaang noong Lunes, Mayo 18, nag-convene na ang Senado bilang impeachment court para sa impeachment proceedings laban kay VP Sara—matapos siyang i-impeach ng Kamara sa ikalawang pagkakataon.

KAUGNAY NA BALITA: 'Ito na 'yong pagkakataon natin!' Sen. Bong Go, magiging 'impartial' bilang senator-judge-Balita

Base sa mga tala, nangyari na ito matapos ma-impeach si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.

Matapos mapatalsik sa puwesto, humalili si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Estrada—dahilan upang mabakante ang puwesto ng Bise Presidente.

Dahil dito, napagdesisyunan ni Arroyo na maging Vice President ng bansa ang dating Senate minority leader na si Teofisto Guingona, Jr.—na siyang sinang-ayunan naman ng Kongreso.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Kung tuluyang mapatalsik ang bise presidente, sino ang papalit sa kaniya?-Balita