Nangako sa publiko si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go na magiging “impartial” o wala raw siyang kikilingan sa pagiging senator-judge niya kaugnay sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Pagkatapos ito ng panunumpa nina Go at 22 pa niyang mga kasamahan na senador bilang senator-judges at ma-convene ang Senado bilang Impeachment Court para sa impeachment case laban sa Bise Presidente nitong Lunes, Mayo 18, 2026.
Ayon sa naging pahayag ni Go, sinabi niyang wala raw siyang kikilingan at habang nilalayong lumabas ang katotohanan sa naturang kaso laban kay VP Sara.
“Magiging impartial po ako ngunit dapat lumabas po ‘yong katotohanan. ‘Yong truth ang importante dito. ‘Yon ‘yong inaabangan ng mga Pilipino, ang katotohanan,” pagsisimula niya.
Ani Go, ngayon na raw ang pagkakataon para punahin o linawin ang umano’y mga kasinungalingan kaugnay sa naging deliberasyon ng Kamara sa articles of impeachment laban sa Bise Presidente noon.
“Kung meron akong makitang sinungaling—kaya nga po hindi ako nagsalita noong mga nakaraang araw—may makita akong singuling diyan sa pinipresenta, sasabihin kong sinungaling ‘yan,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Ito na ‘yong pagkakataon natin. Ito na yong pagkakataon na dapat ilabas po ‘yong katotohanan. Marami tayong nakikita sa paglilitis noon, sa kanilang hearing, ay may mga nakita tayong sinungaling, dito na natin tatanungin.”
Pagpapatuloy ni Go, may pagkakataon na raw siya para magtanong at makapagdesisyon kaugnay sa impeachment case laban kay VP Sara.
“Ito na ‘yong pagkakataon kong makapagtanong at makapagdesisyon,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nagawa ring mag-isyu ng Senado ng writ of summons kay VP Sara kung saan magkakaroon ng 10 araw ang Bise Presidente na sumagot sa kautusan ng Senado sa panahong opisyal na niya itong matanggap.
Habang sinusulat ito, wala pa naman inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ni VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Kung inilagay ako dito ng Panginoon for an 8 day mission, tatanggapin ko 'yon!'—SP Alan