Tinupok ng apoy ang mga nakaparadang sasakyan sa Floridablanca, Pampanga, kamakailan.
Mapapanood sa viral video ng netizen at uploader na si Che Sison - Osmeña na biglang umusok ang mga sasakyan sa tapat ng isang convenience store noong Huwebes, Mayo 14.
Maririnig din na hindi malapitan at mabuhusan ng tubig ang sasakyan dahil natatakot ang mga tao na sumabog ito dahil itim na itim ang usok na lumalabas at malapit ito sa kable at poste ng kuryente.
Sa maikling panayam ng Balita kay Osmeña, ibinahagi niyang bandang 10:00 ng umaga ng makuhanan niya ng video ang insidente.
Batay sa kaniyang obserbasyon, naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil hindi agad nakaresponde ang mga bombero dahil malayo sila sa pinangyarihan ng sunog.
[A]ng mga bombero po, hindi agad nakapunta kasi malayo po slia sa lugar namin kaya kumalat agad ang apoy,” saad ni Osmeña.
Habang wala siyang ideya sa pinagmulan ng sunog, haka-haka ng ilang nakakita ng sunog na may dalang butane ang may-ari ng isa sa mga sasakyan.
Ibinahagi rin niyang wala silang nakitang sakay ng mga kotseng nasunog.
Ang nasabing post ay kasalukuyan nang may 4.3K engagement sa Facebook.