Ipinanawagan sa publiko ni Sen. Robin Padilla ang pagdedeklarang gawing independent country ang Pilipinas sa gitna ng tila lumulubhang oil crisis.
Ayon sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Marso 24, 2026, sinabi niyang matindi na raw ang epekto ng digmaan sa Middle East sa produksyon ng langis at “fertilizer” o pataba sa bansa.
“Batid na natin ang matinding epekto nitong digmaan na ito sa atin. Ang ugat ay Langis at damay na lahat dito pati ang fertilizer,” pagsisimula niya.
Ani Padilla, tila huli na raw kung magtatalo pa ang ilan sa posibleng solusyon na magmumula sa pagsuspendi ng fuel excise tax, value added tax (VAT), at pagbibigay ng mga ayuda sa mamamayan na uutangin lang din umano ng pamahalaan ang pagkukunang pondo para dito.
“Huli na rin para ngayon pa natin pagtalunan ang solusyon na manggagaling sa domestic initiatives katulad ng pagsuspendi ng excise tax, vat at pagbibigay ng subsido dahil lahat ng yan ay makakatulong pero ang pagkukunan ay uutangin din naman,” aniya.
Pagrerekomenda ni Padilla, wala na raw ibang solusyon kundi ang magsagawa ng “secession” o gawing “independent country” ang Pilipinas, kagaya raw ng ginawa ng European Union (UE) at United Kingdom (UK) upang masimulang makipag-alyansa sa mga bansang may kakayahan talagang tumulong upang masolusyonan ang oil crisis.
“Wala ng ibang tunay na solusyon kundi ang maging independent na bansa katulad ng mga isinagawa ng EU at UK at maging neutral at mag umpisa ng bagong relasyon sa mga bansa na may kakayahan na makatulong sa atin,” mungkahi niya.
Diin pa niya, “Pro Pilipino dapat tayo ngayon! Ang makatawid at Mabuhay ang ating mga kababayan.”
Anang senador, ang krisis daw na nararanasan ngayon ay tila pandemya sa ibang mukha at ipinagdarasal niya raw na huwag tumagal ang nasabing giyera hanggang sa taong 2027.
“Pandemic ito sa ibang mukha. Sana ay [maintindihan] nating lahat na ang epekto nitong [giyera] na ito ay tatagal hanggang matapos ang 2026, [m]agdasal tayo na wag na umabot ng 2027,” ‘ika niya.
“Ito ay katotohanan na po. Hindi na makakatulong ang pagtuturuan o ang pagiging maka ibang bansa. Maging maka Pilipino tayo ngayon,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: 'Nasa krisis na tayo!' Sen. Win Gatchalian, tumirada sa debatehan sa oil crisis
MAKI-BALITA: Ilang senador, inaapura ang Palasyo na magdeklara ng ‘state of national emergency’