May 22, 2026

Home BALITA National

Ilang senador, inaapura ang Palasyo na magdeklara ng ‘state of national emergency’

Ilang senador, inaapura ang Palasyo na magdeklara ng ‘state of national emergency’
Photo Courtesy: Senate of the Philippines (FB)

Kinalampag ng ilang senador ang Malacañang na magdeklara na ng “state of national emergency” sa gitna ng tumitinding sigalot sa Middle East.

Sa unang pagdinig ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee nitong Martes, Marso 24, sinabi ni Sen. Bam na bagama’t nagsimula nang magbigay ng paunang tulong ang pamahalaan sa sektor ng transportasyon, hindi pa rin umano ito sapat. 

“Marami pa rin ang hindi nabibigyan. Marami pa ring sektor ang naghihintay at nangangailangan ng agarang saklolo mula sa ating gobyerno. Pakiwari ko po, panahon nang magdeklara ng ‘state of national emergency,’” saad ni Sen. Bam

Dagdag pa niya,“Marami po sa amin na gano’n din ang pakiramdam. Kailangan ng pamahalaan ng mas malawak na kapangyarihan upang agad-agad na matugunan ang krisis na ito.”

Sinang-ayunan naman ni Sen. JV Ejercito ang opening statement na ito ng kapuwa niya senador.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“I agree with my colleague, Sen. Bam, that we are already in crisis. Hindi na po normal ang sitwasyon. And what we have to do right now is to do the preparation just like during the Covid-19 when there was uncertainty,” saad ni Sen. JV.

Ayon naman kay Sen. Risa Hontiveros, “Dapat aminin na ng Malacañang gaano ba talaga kabigat ang sitwasyon? At ano na ba ang eksaktong plano ng gobyerno kung lumala pa ito?”

“Dahil ang kailangan ng bansa ngayon ay malinaw at agarang solusyon para saluhin ang mga pwersadong magbalik-bayan at pigilan nga itong lumalaking pinsala ng pagtaas ng presyo ng langis sa buhay ng bawat Pilipino,” dugtong pa ng senadora.

Samantala, binigyang-diin naman ni Sen. Kiko Pangilinan kung gaano kabulnerable ang mahihirap sa ganitong uri ng sitwasyon. 

“As with all crises, this one hurts the poor the most. Kung tumigil sila sa pagsasaka, panghuhuli ng isda, pamamasada, o kaya'y pagtatrabaho sa Middle East, madaling isipin kung ano ang mangyayari sa tahanan at negosyong Pilipino.”

Kaya ang layunin umano sa pagbuo ng PROTECT Committee ng Senado ay upang gawing proactive ang pamahalaan sa harap ng tumitinding krisis.

Matatandaang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala umanong krisis sa suplay ng langis sa bansa nang humarap siya sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) na ginanap sa Villamor Air Base, sa Pasay City noong Marso 23.

Maki-Balita: Rep. San Fernando hinamon ang Palasyo: 'Labas kayo ng opisina n'yo!'