Nagpaabot ng mensahe si Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sa iba pang opisyal sa loob ng Malacañang.
Ito ay matapos sabihin ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office Usec. Claire Castro na wala umanong krisis sa suplay ng langis sa bansa.
Maki-Balita: Walang krisis sa suplay ng langis pero price disruption, 'maybe meron'—Palasyo
Sa latest Facebook post ni San Fernando nitong Lunes, Marso 23, hinamon niyang umabas sa kani-kanilang opisina ang mga opisyal sa Palasyo upang makita ang totoong sitwasyon ng mamamayan sa Pilipinas.
Aniya, “Hindi n'yo alam 'yan kasi 'di kayo lumalabas sa opisina n'yo. Mag-commute kayo, labas kayo ng opisina n'yo malalaman n'yo ano ang tunay na kalagayan ng mga tunay na Pilipino”.
“Usec. Claire Castro, PBBM, at kayong mga nandyan sa Palasyo, kayo na lang ang hindi naniniwala na may krisis nang nararanasan ang mga manggagawa at ordinaryong Pilipino. Dapat ang attitude n'yo ay crisis mode na, emergency mode,” dugtong pa ni San Fernando.
Kaya naman, mungkahi ng kongresista, isuspinde ang excise tax at value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo. Gayundin, pinatatalakay din niya ang isyu sa sahod ng mga manggagawa.
Samantala, tiniyak naman ni Marcos, Jr. sa mga nagprotestang tsuper kamakailan na hindi niya pababayaan ang sektor ng transportasyon.
Maki-Balita: PBBM sa mga nagpoprotestang tsuper: 'Hindi kayo pababayaan ng pamahalaan!'