May 02, 2026

Home BALITA Metro

Batang naglalakad mag-isa, ninakawan ng cellphone at pera

Batang naglalakad mag-isa, ninakawan ng cellphone at pera
Photo courtesy: Contributeed photo

Nabiktima ng pagnanakaw ang isang walong taong gulang na batang babae habang nag-iisang naglalakad upang bumili ng meryenda sa Santa Cruz, Maynila.

Batay sa kuha ng CCTV ng Barangay 340, sinabayan ng suspek ang bata sa paglalakad at nagkunwaring nakikipag-ugnayan dito. 

Makikita sa video na inabutan pa niya ng isang piraso ng karton ang biktima bago palihim na kinuha ang cellphone nito na nagkakahalaga ng ₱8,000, kasama ang ₱1,000 na nakalagay sa phone case.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang sinundan ng suspek ang bata mula Oroquieta Street sa Barangay 336 hanggang Felix Street, at tuluyang isinagawa ang pagnanakaw sa P. Guevarra Street sa Barangay 340.

Sinubukan pang habulin at bawiin ng bata ang kanyang cellphone, ngunit pinigil at tinakot siya ng suspek bago mabilis na tumakas sakay ng bisikleta.

Metro

‘Passenger cooling room,’ mayroon na rin sa lahat ng LRT-2 stations simula Mayo 4

Ayon sa mga opisyal ng barangay, gumamit umano ng panlilinlang ang suspek sa pamamagitan ng pagpapanggap na kakilala ng magulang ng bata at may ipapakuha umanong gamit, dahilan upang mapaniwala ang biktima.

Samantala, ibinahagi ng ina ng bata ang insidente matapos mapansin ang pagkakahawig ng suspek sa lalaking sangkot sa tangkang pagdukot sa isang 11-anyos na bata sa Santa Ana, Manila noong Marso 19, 2026.

Gayunpaman, nilinaw ng barangay na hindi pa tiyak kung iisang tao lamang ang nasa likod ng dalawang insidente, kahit may pagkakatulad sa modus at pananamit ng suspek.

Nakatakdang isumite sa pulisya ang CCTV footage upang makatulong sa patuloy na imbestigasyon.

Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak, iwasang magdala ang mga ito ng malaking halaga ng pera, at maging maingat sa paggamit ng cellphone sa mga pampublikong lugar.