Ikinuwento ni “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” Kapamilya 2nd Big Placer at aktres na si Krystal Mejes na hindi raw siya matagumpay na nakapasok sa audition ng “Goin’ Bulilit” noon.
Isang sketch comedy show ng ABS-CBN ang “Goin’ Bulilit” na pinangungunahan ng mga batang aktor, kung saan madalas itong naglalahad ng mga nakakatawang sitwasyon, parody sa mga pelikula, at pumatok na mga segment nitong “Ano Daw” at “Use in a Sentence.” Si Direk Edgar “Bobot” Mortiz ang direktor nito. Nagsimula noong 2004 at muling nagbalik noong 2024.
Ayon sa naging panayam sa Kuan On One ng Millennial Mom at Kapamilya comedian-TV host na si Melai Cantiveros-Francisco kay Krystal noong Martes, Marso 17, 2026, nagawang tanungin ng host ang huli kung ano raw pinakaunang mahirap na audition na sinalihan nito.
“Ang pinakauna mong audition na kung saan nasabi mo na ‘mahirap ang talaga mag-audition?’” urirat ni Melai.
Sagot ni Krystal, “Goin’ Bulilit. ‘Yon pinakaunang audition, Goin’ Bulilit.”
Ani Krystal, pinakanta, pinasayaw, pinaarte, pinag-model raw siya noon ng direktor na si Direk Bobot sa audition.
“Tapos si Direk Bobot, pinakanta niya ako, pinasayaw ako, pinaarte ako, at pinag-model ako,” aniya.
Sa kabila nito, tila raw nahirapan si Krystal na maintindihan ang sinasabi ng mga tao sa audition dahil hindi siya marunong mag-Tagalog at English, at tanging Waray lang daw ang alam niyang salita noon.
“Dahil taga-Samar ako, hindi ako marunong mag-Tagalog at English. Ang alam ko lang ay Waray… tanong sila nang tanong ng ganito, ng ganiyan,” kuwento niya.
Dagdag niya, “Ako, parang… hindi ko maintindihan. Waray ako! Hindi ko talaga maintindihan.”
Dagdag pa nito, sobrang mahiyain din daw talaga si Krystal noong bata pa siya.
“Tapos noong bata ako, mahiyain ako. Mahiyain ako ng sobra. Like super shy. Nagpa-practice pa kami noon ni Mama ko ng mga linya, ng mga kanta, at mga sayaw para magkaroon ako ng confidence pagdating ko sa audition dahil mahiyain talaga ako noong bata ako,” pagbabahagi niya.
Tanong naman ni Melai, “Ano ang ginawa ni Direk Bobot? Tinanggap ka ba niya?”
Anang aktres, hindi raw siya masuwerteng nakapasok noon sa audition ngunit iginiit niyang natanggap naman daw siya sa audition ng teleseryeng noong “Doble Kara.”
“Hindi. Hindi ako natanggap sa Goin’ Bulilit. Hindi ako nakapasok. Hindi ako natanggap [sa Goin’ Bulilit], noong nag-audition naman ako sa Doble Kara, doon naman ako natanggap,” saad ni Krystal.
“It’s called redirection not rejection,” pagtatapos pa niya.