May 22, 2026

Home BALITA National

Ilang solon sa Kamara, 'di maaareglo si VP Sara sakaling manalo sa 2028—Rep. Toby Tiangco

Ilang solon sa Kamara, 'di maaareglo si VP Sara sakaling manalo sa 2028—Rep. Toby Tiangco
Photo courtesy: File Photo

Inilahad sa publiko ni Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco na alam daw ng ibang mga mambabatas sa House of the Representatives na hindi nila kayang makipag-areglo kay Vice President Sara Duterte sakali mang manalo itong bilang Pangulo, dahil tiyak daw na pananagutin nito ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects. 

Ayon sa naging panayam ng media kay Tiangco noong Martes, Marso 17, 2026, sinabi niyang alam daw ng mga mambabatas na hindi nila maaareglo ang bise presidente kaya isinusulong nila ang impeachment laban dito. 

“Tingin nila, maaareglo nila ‘yong iba e. Pero si Sara, sa tingin nila, hindi nila maaareglo ‘yon,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Maging totoo tayo. Kayo, paano ba kayo mag-isip? Sa tingin n’yo ba, maaareglo si Sara o hindi? Kayong tatanungin ko, definitely, no.” 

Tila nagawa ring kuwestiyonin ni Tiangco ang dahilan kung bakit tila wala pa rin daw nananagot sa isyu ng flood control projects hanggang ngayon. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Kasi ang question, bakit ngayon wala pang nananagot?” tanong niya. 

Nagsalita rin si Tiangco kaugnay sa usaping tila matunog ang pangalan nina dating Vice President at kasalukuyang Naga City Maryo Leni Robredo at Sen. Erwin Tulfo bilang katunggali ni VP Sara sa 2028. 

“I don’t want to pass judgement on them. Pero hindi lang naman sila mag-isa ang magdedesisyon diyan,” saad niya. 

Giit ni Tiangco, tila isang milyong porsyento raw kasing hindi magagawang maareglo ng mga mambabatas si VP Sara kaya hindi gustong manalo ng mga ito ang huli. 

“Ang sinasabi ko lang, si Sara, one million percent hindi nila maareglo. So kung ikaw ‘yong merong may kasalanan, gusto mo bang manalo ‘yong one million percent [na] hindi mo maaareglo?”

“Hindi ko hinuhusgahan ‘yong ibang kandidato. Ang sinasabi ko lang, ito siguradong hindi nila maaareglo. Alam ko ‘yon at alam nila ‘yon,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon o reaksyon si VP Sara kaugnay rito. 

MAKI-BALITA: 'PBBM, maraming kakulangan bilang Presidente'—VP Sara

MAKI-BALITA: Urirat ng Palasyo, VP Sara peddler ng misinformation?