April 16, 2026

Home BALITA National

Urirat ng Palasyo, VP Sara peddler ng misinformation?

Urirat ng Palasyo, VP Sara peddler ng misinformation?
Photo courtesy: PCO, File Photo

Tila kinuwestiyon ng Palasyo ang kamakailang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na marami umano itong kakulangan bilang pinuno ng Pilipinas. 

Matatandaan kasing direktang inilahad ni VP Sara sa publiko noong Lunes, Marso 16, 2026, na tila may pagkukulang daw ang Pangulo hindi lang sa pakikisimpatya sa taumbayan, kundi pati na rin sa mga problema at eskandalo sa paggamit ng pondo ng bayan na umano’y kinakaharap ni PBBM. 

“Marami siyang kakulangan bilang Presidente. Hindi lamang sa pagbibigay ng simpatya at empathy sa ating mga kababayan. More than that ay ‘yong problema at iskandalo sa paggamit ng pera ng bayan,” hayag ni VP Sara. 

KAUGNAY NA BALITA: 'PBBM, maraming kakulangan bilang Presidente'—VP Sara

Ayon naman sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa Mandaue City, Cebu nitong Martes, Marso 17, 2026, sinabi niyang napansin daw niyang tila nagiging “peddler” ng mga maling impormasyon ang bise presidente. 

National

Libreng sakay para sa solo parents, aarangkada hanggang Abril 18

“Napansin ko po na maaari na ganito ang nagiging sagot ng bise presidente dahil nafe-feed siya ng mga maling impormasyon,” pagsisimula niya. 

Pinuntirya rin ni Castro ang tila mali umanong paraan ng pagtatanong ng mamamahayag kay VP Sara kaya tila mali rin daw ang naging sagot ng huli. 

“May isang reporter, hindi natin alam kung sino, ang tanong [ay] ganito: ‘Ma’am, ang mga OFW masamang-masama ang loob kay PBBM lalo’t hindi niya sinalubong sa airport ‘yong mga narepartreate nating kababayan. Ano take n’yo?’” kuwento niya. 

Diin niya, “Unang una, dapat ang reporter… dapat ‘pag nagtanong sa kanilang ini-interview ay merong facts, merong resibo. Katulad no’ng sinabing masamang masama ang loob kay PBBM dahil hindi sinalubong sa airport, saan nanggaling ang kuwento na ‘yon?” 

Nagawa ring basahin ni Castro ang aktuwal na naging sagot ni VP Sara noong Lunes. 

“Ngayon, dahil malinaw ‘yong premise, sumagot ang bise presidente. Ang sabi niya, ‘Nakikiisa tayo sa pinagdadaanan ng karamihan ng ating kababayan sa overseas… marami siyang kakulangan bilang Presidente,’” aniya. 

Buwelta niya, “Kaya tuloy nasasabi nating nagiging source of fake news ang bise presidente dahil pinagmumulan din ng fake news ‘yong tanong ng ibang reporter.” 

Paalala ni Castro sa iba pang mga mamamahayag, iwasan daw sana ng mga itong magtanong nang hindi naglalatag ng “facts” o walang sapat na basehan.

“Sana maiwasan ng ibang mga reporter, I’m not pertaining to all of you because I know you’re all professional here, iwasan ‘yong ganoon. Especially kung ang reporter na ito ay kaalyado niya o hindi,” saad niya. 

“Mas maganda na maging neutral sa pagtatanong para makapagbigay naman ng matalinong sagot ang ating bise presidente,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, nanindigang 'di tinraydor ni PBBM si FPRRD

KAUGNAY NA BALITA: Halos 1k Pinoy sa Middle East, makakauwi na sa PH ngayong linggo—Palasyo