April 13, 2026

Home BALITA National

'PBBM, maraming kakulangan bilang Presidente'—VP Sara

'PBBM, maraming kakulangan bilang Presidente'—VP Sara
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Tila binuweltahan ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na marami raw itong kakulangan bilang pinuno ng bansa. 

Ayon sa naging pahayag ni VP Sara, partikular sa inupload na video ng NewsWatch Plus PH nitong Lunes, Marso 16, 2026, direkta niyang sinabing tila may pagkukulang daw ang Pangulo hindi lang sa pakikisimpatya sa taumbayan. 

“Marami siyang kakulangan bilang Presidente,” pagsisimula niya. 

Dagdag niya, “Hindi lamang sa pagbibigay ng simpatya at empathy sa ating mga kababayan.” 

Ani VP Sara, bukod sa mga nauna niyang nabanggit, may mga problema at iskandalo sa paggamit ng pondo ng bayan na kailangang harapin si PBBM. 

National

Simula Abril 14: PBBM, ibinida ang malaking rollback sa presyo ng langis!

“More than that ay ‘yong problema at iskandalo sa paggamit ng pera ng bayan,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag si PBBM o ang Palasyo kaugnay rito. 

Bago nito, matatandaang pinuna na rin ni VP Sara sa kaniyang pahayag noong Marso 11, 2026, na tila wala raw siyang nakikitang ginagawa ng administrasyon kahit may banta na ng giyera mula pa noon.

“Wala tayong nakikita na ginagawa ng administrasyon,” aniya, “Ang banta ng giyera, narinig na natin ‘yan noong taong 2022 pa lang.”

KAUGNAY NA BALITA: 'Wala tayong nakikitang ginagawa!' VP Sara, binara kawalan ng aksyon ng admin sa giyera

Anang bise presidente, matagal na raw nilang nakikitang may mangyayari posibleng giyera base umano sa sinasabi ng mga foreign government at nagkatotoo na raw ito pagsapit ng 2026. 

“Nakita na natin ‘yan sa lahat ng mga briefers, lalong lalo na doon galing sa foreign governments na meron silang tinitingnan na posibleng giyera ng taon na 2025,” aniya.

Pahabol pa niya, “Nangyari ang giyera 2026.”

Nagawa namang maglabas ng pahayag ng Palasyo kaugnay rito noong Marso 12, 2026, at sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na dapat daw tandaan ni VP Sara na baka ang ama niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kasalukuyan pang nakaupo noon sa puwesto at tumatakbo pa lang sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa eleksyon bilang “Uniteam.”

Ani Castro, baka raw may sariling bolang kristal, isang bagay na ginagamit sa panghuhula, si VP Sara kaya niya nalamang may nakaambang giyera sa Middle East noong 2022.

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, bumanat na baka may bolang kristal si VP Sara sa hulang giyera mula 2022

MAKI-BALITA: Higit 1.3k Pinoy na apektado ng girian sa Middle East, naiuwi na sa bansa—DMW