Pinuna ni Vice President Sara Duterte ang tila kawalan daw ng aksyon ng administrasyon sa matagal na noon pang nag-aambang giyera sa Middle East.
Ayon sa naging panayam ng media kay VP Sara sa Davao City noong Miyerkules, Marso 11, 2026, mariin niyang sinabing wala raw siyang nakikitang ginagawa ng pamahalaan kahit may banta na ng giyera noon pa raw 2022.
“Wala tayong nakikita na ginagawa ng administrasyon,” pagsisimula niya, “Ang banta ng giyera, narinig na natin ‘yan noong taong 2022 pa lang.”
Ani VP Sara, matagal na raw nilang nakikitang may mangyayari posibleng giyera base umano sa sinasabi ng mga foreign government at nagkatotoo na raw ito pagsapit ng 2026.
“Nakita na natin ‘yan sa lahat ng mga briefers, lalong lalo na doon galing sa foreign governments na meron silang tinitingnan na posibleng giyera ng taon na 2025,” aniya.
Pahabol pa niya, “Nangyari ang giyera 2026.”
Anang bise presidente, dapat daw talagang naghanda na ang pamahalaan noon pang 2022 ngunit tila wala pa rin daw siyang nakikitang pinaplano nitong solusyon para sa susunod na mga buwan at taon.
“So dapat 2022 pa lang naghanda na ang pamahalaang ito,” saad niya.
“Pero wala tayong nakitang paghanda at wala tayong nakikita pagbibigay man lang ng solusyon sa mangyayari na problema sa susunod na mga buwan at sa susunod na mga taon,” pagtatapos pa ni VP Sara.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang tugon, reaksyon, o pahayag ang Palasyo kaugnay sa nasabing ito ng bise presidente.
Sa kabila nito, matatandaang inihayag sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Martes (araw sa New York), Marso 10, 2026, na nagtatakda na umano ang gobyerno ng dalawang chartered flights para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na apektado sa sigalot na nangyayari sa Middle East.
Anang Pangulo, magmumula raw ang isang chartered flight sa Riyadh upang iuwi ang mga Pilipinong nasa Saudi Arabia, Kuwait, at Bahrain, habang magmumula naman ang ikalawang chartered flight sa Fujairah sa United Arab Emirates (UAE) upang iuwi ang mga Pilipinong nasa Dubai.
MAKI-BALITA: VP Sara, pinalagan kumalat na pekeng pahayag ng anak niya
MAKI-BALITA: VP Sara sa anibersaryo ng pagkakulong ni FPRRD: ‘Manatiling mapagmatyag!’