Naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte upang kondenahin ang umano’y hindi awtorisadong paggamit sa larawan ng kaniyang menor de edad na anak na kumakalat sa social media.
Sa inilabas na pahayag noong Marso 11, 2026, iginiit ni VP Sara na hindi niya ginagamit ang kaniyang mga anak sa usaping may kinalaman sa politika.
“I condemn the unauthorized use of my minor son’s photograph to spread false information,” ayon sa pahayag ni Duterte.
Dagdag pa niya, hindi niya kailanman ginamit ang kaniyang mga anak upang isulong ang kaniyang interes sa politika.
“Hindi ko kailanman ginamit ang aking mga anak sa pagsulong ng aking interes, at mahigpit ko silang pinagbabawalan na makisali sa mga usaping politika sa labas ng aming tahanan,” aniya.
Nanawagan din siya sa publiko na huwag gamitin ang mga bata sa pagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na sa gitna ng mainit na usaping politikal sa bansa.
“Huwag nating hayaang magamit ang mga bata sa pagpapakalat ng fake news sa maruming mundo ng politika ngayon. Ang proteksyon ng kabataan—anak ko man o hindi—ay responsibilidad nating lahat,” dagdag pa niya.
Samantala, kasabay ng paglabas ng pahayag ng Bise Presidente ay kumalat din sa social media ang isang mensahe na iniuugnay sa kaniyang anak.
Sa naturang mensahe, nakasaad ang panawagan: “Please take care of my mother Inday Sara Duterte, she had dedicated her life for the welfare of the nation.”
Sa kabila nito, muling binigyang-diin ni Duterte ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga menor de edad laban sa paggamit sa kanila sa mga usaping may kaugnayan sa politika.
"Ang proteksyon ng kabataan-anak ko man o hindi-ay responsibilidad nating lahat," anang Pangalawang Pangulo.