Bumuwelta ang Malacañang kaugnay sa naging pagpuna ni Vice President Sara Duterte sa kawalan umano ng aksyon ng administrasyon sa giyera mula pa noong 2022.
Matatandaang pinuna ni VP Sara sa kaniyang pahayag noong Miyerkules, Marso 11, 2026, na tila wala raw siyang nakikitang ginagawa ng pamahalaan kahit may banta na ng giyera mula pa noon.
“Wala tayong nakikita na ginagawa ng administrasyon,” aniya, “Ang banta ng giyera, narinig na natin ‘yan noong taong 2022 pa lang.”
KAUGNAY NA BALITA: 'Wala tayong nakikitang ginagawa!' VP Sara, binara kawalan ng aksyon ng admin sa giyera
Ayon naman sa isinagawa press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Huwebes, Marso 12, sinabi niyang dapat daw tandaan ni VP Sara na baka ang ama niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kasalukuyan pang nakaupo noon sa puwesto at tumatakbo pa lang sila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., para sa eleksyon bilang “Uniteam.”
“2022, anong buwan? Baka naman panahon pa noong panahon ng kaniyang ama ito. Tandaan po natin noong 2022 nangangampanya po sila pareho ni Pangulong Marcos Jr. Uniteam sila,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “May nabanggit po ba siya sa Pangulo patungkol dito? May nabanggit po ba siya sa DND patungkol po dito?”
Ani Castro, baka raw may sariling bolang kristal, isang bagay na ginagamit sa panghuhula, si VP Sara kaya niya nalamang may nakaambang giyera sa Middle East noong 2022.
“Dahil kung alam na niya po ito, malamang ay mayroon siyang sariling bolang kristal. [D]apat pinaalam niya kung ito ay verified info [na] galing sa kaniya,” aniya.
Buwelta niya, dapat daw na ipinaalam ng bise presidente sa kasalukuyang Pangulo at awtoridad noon kung totoong may alam siya sa mangyayaring giyera noon pa man.
“Dapat ipinaalam niya ito agad sa bansa, ipinaalam niya ito agad sa Pangulo at sa awtoridad. Kung siya ay may alam as early as 2022 at hindi man lang niya ito binanggit diretso sa ating mga kababayan, sino ang hindi nagtrabaho, sino ang walang ginawa?” saad niya.
Patutsada pa niya, “Tandaan po natin, ipinagmamalaki niyang mayroon siyang mayroon siyang impormasyon patungkol po dito. Hindi po ba obligasyon niya bilang bise presidente na ito ay ipaalam sa ating awtoridad.”
Pagpapatuloy ni Castro, maituturing daw na breach of public trust ang kawalan ng pagbibigay abiso ni VP Sara sa taumbayan, sakali mang totoo umano ang kaniyang sinasabi.
“Para man lang ang ating mga kababayan, katulad ng sinasabi niya, ay makapaghanda. Kung hindi niya ito sinabi, definitely this is a breach of public trust,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na direktang pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay sa mga nasabing ito ni Castro.
MAKI-BALITA: 'We want him alive!' Duterte camp, nagsalita sa ambang paglipat kay Madriaga sa Kamara