Nagsalita ang kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa umano’y hiling ng ilang mambabatas na ilipat si Ramil Madriaga sa kustodiya ng House Committee on Justice.
Kaugnay ito sa apela ni Akbayan Rep. Chel Diokno noong Marso 5, 2026 kay House Justice Committee Chairperson Gerville “Jinky” Luistro na ilipat si Madriaga sa kanilang kustodiya para sa seguridad nito bilang testigo laban sa bise presidente.
Ayon naman sa inilabas na pahayag ng legal counsel ni VP Sara na si Atty. Paolo Paneo, Jr., nitong Huwebes, Marso 12, 2026, diniin niyang gusto rin daw nilang buhay si Madriaga upang mapatunayang “fraud” o hindi totoo ang mga testimonya nito.
“To reiterate, we want Madriaga alive and well precisely so he can testify and reveal himself to the world as a fraud,” pagsisimula niya.
Ani Panelo, tatanggapin daw nila ang magiging desisyon sa paglilipat sa kustodiya ng Kamara si Madriaga.
“If transferring his custody to the House of the Representatives ensures that, then we welcome the move,” aniya.
Buwelta ng abogado, wala naman daw anomang “biased” o may kinikilingang pagtatanong ng House Committee on Justice ang makakahigit sa mga kathang kredibilidad ni Madriaga.
“No amount of the expected biased questioning from the House Justice Committee, composed mostly of the Vice President’s enemies, can overcome Madriaga’s fabrications or salvage his inexistent credibility,” saad niya.
Patutsada ni Panelo, nakikita lamang daw nila bilang kasangkapang testigo si Madriaga at tanging politikal lamang umano ang ugat ng mga testimonya nito bilang layunin ng mga nagnanais ma-impeach ang bise presidente.
“In our view, he only qualifies as ‘material witness’ solely to the extent that his testimony exposes the strictly political objectives of those pursiuing impeachment,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang Kamara kaugnay rito.
Matatandaang inihayag sa publiko ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila De Lima na ibinahagi umano sa kaniya ng kampo ni Madriaga na nakatanggap ito ng pagbabanta sa kaniyang buhay noong Marso 5, 2026.
Dahil dito, binigyang-halaga ni De Lima ang pangagailangang masigurado ang kaligtasan ni Madriaga at ibinahagi niyang may nagtangka daw sa buhay nito noon ding Miyerkules, mula sa impormasyon ng abogado nito.
“Bukod sa kasong perjury, ayon sa abogado ni Madriaga, may nagtangka sa buhay nya kahapon kung saan sya nakakulong. Sino ang nagtatangka at gustong magpatahimik kay Madriaga?” kuwestiyon ni De lima.
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni VP Sara, kinakabahan kay Ramil Madriaga—De Lima
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, umapelang 'wag tawaging 'bag man,' 'aide' niya si Madriaga!