Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na umabot na sa 1,315 na mga Pilipino mula sa iba’t ibang mga bansa sa Middle East ang napauwi na ng pamahalaan ng Pilipinas.
Kaugnay ito sa walang-tigil na tensyon sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon ng Gitnang Silangan, partikular na ang Israel at Iran.
Sa ulat na ibinahagi ng DMW nitong Linggo, Marso 15, inilahad nila na ang nasabing pagpapauwi sa mga Pinoy sa Middle East ay naganap noong Marso 5 hanggang 14.
“May kabuuang 1,315 overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang dependents na naapektuhan ng krisis sa Middle East ang natulungan na ng pamahalaan mula March 5 hanggang March 14, 2026,” saad ng DMW.
Anila, “Kabilang sa natulungan ang 1,022 OFWs at 293 dependents na na-stranded o sumailalim sa Bagong Pilipinas Repatriation Program ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. mula sa mga apektadong lugar.”
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, ipinrayoridad nila ang pagpapauwi sa mga Pilipinong nasa lugar na high-risk, may sakit o karamdaman, at may humanitarian concerns.
Dagdag pa ng ahensya, nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa pamahalaan upang masiguro ana masasaklolohan nila ang mga Pilipinong apektado ng nasabing girian.
Photo courtesy: Depatment of Migrant Workers/FB
Sa kaugnay na ulat, matatandaang tumulong na ang bansang Singapore upang mapauwi ang ilang mga Pinoy sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia (KSA)—na siyang apektado rin ng nasabing kaguluhan.
MAKI-BALITA: Singapore, sumaklolo para makauwi 24 Pilipino mula sa Jeddah-Balita