Nasawi ang isang 90-anyos na lalaki at ang kaniyang 48-anyos na anak na kapwa persons with disabilities (PWD) matapos masunog ang kanilang bahay noong Sabado ng hapon, Marso 14, sa Barangay Linao, Ormoc City, Leyte.
Kinilala ang mga biktima sa kanilang alyas na “Lino,” isang biyudo, at ang kaniyang anak na si “Jojo,” na parehong residente ng nasabing barangay.
Ayon sa Philippine National Police sa Ormoc City Police Station 4, rumesponde ang mga pulis sa sunog na iniulat na nagsimula bandang 5:05 ng hapon.
Agad ding dumating sa lugar ang mga bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang apulahin ang apoy at magsagawa ng clearing operations.
Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang nagsimula ang sunog sa bahagi ng kusina ng bahay na karamihan ay yari sa light materials.
Umabot sa first alarm ang sunog ngunit idineklarang kontrolado bandang 5:11 ng hapon.
Sa isinagawang clearing operations, nadiskubre ng mga bumbero ang sunog na mga labi ng mag-ama sa ilalim ng mga guho ng bahay.
Ayon sa mga awtoridad, hindi na nakalabas ang mga biktima dahil sa kanilang kapansanan.
Humingi rin ng tulong ang pulisya sa Ormoc City Forensic Unit para sa masusing pagproseso ng pinangyarihan ng insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, hinihinalang unattended cooking ang naging sanhi ng sunog.
Tinatayang nasa ₱8,750 ang halaga ng pinsala sa ari-arian dulot ng insidente.