Dead on arrival ang isang siyam na taong gulang na batang babae matapos siyang mabangga at masagasaan ng isang pampasaherong jeepney malapit sa Cogon Public Market, Cagayan de Oro City, noong Biyernes, Abril 24, 2026.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nawalan ng preno ang jeep habang umaandar, dahilan upang mahagip ang biktima na tumatawid sa kalsada.
Kasunod ng insidente, agad na nagalit ang mga taong nakasaksi at pinagtulungang saktan ang 47-anyos na driver.
Makikita sa video na naganap ang pananakit habang naiipit pa sa ilalim ng jeep ang bata. Nahinto lamang ang komosyon nang dumating ang mga rumespondeng pulis.
Matapos madala sa himpilan ang driver na nagtamo ng pinsala, ibinuhos naman ng ilang residente ang galit sa sasakyan at itinumba ang jeep.
Ayon kay Patrolman Christian Villalobos ng Traffic Enforcement Unit ng Cagayan de Oro City Police Office, inamin ng driver na may problema na ang preno ng jeep bago pa ang aksidente at sinubukan niya itong kumpunihin.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang driver, na nahaharap sa posibleng kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Samantala, dinala na ng pamilya ang labi ng bata sa Lanao del Sur para sa libing. Nakatakdang bumalik sa lungsod ang ama ng biktima upang magsampa ng kaso laban sa driver.