Inanunsyo ng Walt Disney Animation Studios ang paglabas ng sign language version ng hit songs nilang The Next Right Thing” mula sa Frozen 2; “We Don’t Talk About Bruno” mula sa Encanto; at “Beyond” mula sa Moana 2 sa layong makakonekta sa deaf community.
Ibinahagi ng Disney animator at director na si Hyrum Osmond na layon nilang maipakita sa malikhaing paraan na ang sign language ay isang magandang paraan ng komunikasyon.
“[S]ign language is one of the most beautiful ways of communication on Earth. If ever there was a medium to showcase sign language, it was animation,” saad ni Osmond.
Batay rin sa kaniyang personal na karanasan, bagama’t parte ng deaf community ang kaniyang ama, naging balakid ang hindi niya pagkatuto upang magkaroon ng maayos na komunikasyon rito.
Kaya bilang direktor at manlilikha, isa pa sa naging motibasyon ni Osmond sa proyektong ito ay ang pagkawala ng mga kaparehang balakid at magkaroon ng espesyal na paraan upang magkaroon ng koneksyon sa audience nilang mga miyembro ng deaf community.
“This reimagining of Disney Animation musical numbers helps bring down barriers and allows us to connect in a special way with our audiences in the Deaf community. I’m grateful that the Studio got behind making something so impactful,” pagkilala ni Osmond sa oportunidad.
MAKI-BALITA: Disney, nakatakdang ilabas sign language version ng ilan sa kanilang hit songs
Bukod sa pagkakaroon ng mas malawak na komunikasyon, ano pa ba ang importansiya ng pagkatuto ng sign language?
Pagbibigay ng suporta sa deaf community
Ang pag-aaral ng sign language ay nakatutulong upang mabigyang pagkakataon ang mga taong kabilang sa deaf community na maipahayag ang kanilang sarili sa paraang malinaw at naiintindihan.
Sa paraang ito, maiiwasan ang diskriminasyon sa mga paaralan at trabaho, at dito ay nahihikayat pa silang mailabas ang kanilang mga ideya at talento.
Pagpapatibay ng relasyon sa mga miyembro ng deaf community
Dahil sa komunikasyon at koneksyon, ang pagkatuto ng sign language ay tiyak na daan upang magkaroon ng matibay na relasyon sa isang taong kabilang sa deaf community.
Dito ay nawawala ang balakid ng mga hindi pagkakaintindihan at isolation na dulot nito dahil ang bawat isa ay napakikinggan at napagtutuonan ng pansin.
Mental training
Katulad ng pag-aaral ng anumang dayuhang wika, ang pagsasanay sa sign language ay nagsisilbi ring mental exercise na nakatutulong sa pagpapatibay ng pag-iisip sa pamamagitan ng pagpoproseso ng mga galaw ng kamay at facial expressions.
Kasama rin dito ang pagpapalakas ng memorya at mental flexibility dahil sa patterns at sequence.
Pagkakaroon ng mas maiging komunikasyon
Bukod sa suporta sa deaf community, nakatutulong rin ang sign language upang makipag-usap sa kanino man sa kabila ng maingay na kapaligiran o sa mga pagkakataong ipinagbabawal ang pag-uusap, nang walang naaabala.
Pagkakaroon ng emergency backup
Panghuli, ang sign language ay nagsisilbi ring “silent communication channel” sa mga sitwasyong maglalagay sa panganib kung gagamitin ang boses upang humingi ng tulong o ipahayag ang sarili.
Bilang emergency backup, maipapahayag pa rin ang pangangailangan nang hindi ginagamit ang boses, sa pamamagitan ng sign language.