May 21, 2026

Home BALITA National

Sen. Gatchalian, inihain na ‘social media ban’ para sa mga menor de edad

Sen. Gatchalian, inihain na ‘social media ban’ para sa mga menor de edad
Photo courtesy: Senate PRIB via MB, Unsplash

Inihain na ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian sa senado ang panukalang batas na magbabawal sa mga menor de edad na gumamit ng anumang social media platform. 

Batay sa inilabas na pahayag ni Gatchalian noong Biyernes, Abril 24, layon ng Senate Bill No. 2066 o “Social Media Safety for Children Act” na protektahan ang kabataan mula sa umano’y pinsalang dala ng social media. 

“Panahon na upang protektahan ang ating mga kabataan mula sa pinsalang dulot ng social media. Huwag na nating hintaying lumala ang problema bago tayo umaksyon,” ani Gatchalian. 

Sa ilalim ng panukalang ito, i-oobliga ang social media platform providers na magsagawa ng age and identity verification systems, regular na pag-audit upang ma-deactivate ang accounts ng users na wala sa wastong gulang, at reporting and response mechanisms para sa underage access. 

Sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Telecommunications Commission (NTC), at National Privacy Commission (NPC), kabilang ang iba pang pampribadong sektor, ibabalangkas ang rules and regulations ng panukala sa loob ng 90 araw. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Ang panukalang ito ay kasunod rin ng social media ban na ibinaba na sa iba’t ibang bansa tulad ng Australia noong Disyembre 2025. 

MAKI-BALITA: Mga menor de edad, ‘banned’ na sa social media simula Disyembre 10

Gayundin ang Indonesia, bilang kauna-unahang bansa sa Southeast Asia na nakapagpatupad ng kaparehang regulasyon para sa mga menor de edad noong Marso. 

Matatandaan ding ipanukala ni Citizens' Battle Against Corruption (CIBAC) Partylist Rep. Eddie Villanueva sa kamara noon ding Marso ang social media ban para sa kabataang nasa edad 16 pababa. 

MAKI-BALITA: ‘Social media ban’ para sa mga menor de edad, panukala ni Rep. Villanueva