Sa mundong ginagalawan ng lahat, magkakaugnay ang mga tao, halaman, at hayop—na siyang gumagawa ng interaksyon upang mapanatili ang balanse sa kapaligiran.
Ngunit maliban sa pagtutulungan, nararapat na ang bawat indibidwal ay magkaroon ng inisyatibong saklolohan o tulungan ang mga hayop at halaman upang sila ay maprotektahan.
Ngayong Biyernes, Abril 24, ginugunita ang Help Animals Day, kung saan binibigyang-diin ang responsibilidad ng mga tao na pangalagaan at proteksyunan ang mga hayop.
Karamihan sa mga kabahayan at pamilya ay may alagang hayop, na kung ituring nila ay kanilang pamilya. Nakatatanggap ito ng aruga at pagmamahal mula sa kani-kanilang mga amo.
Ngunit paano naman ang “wildlife animals,” paano sila tutulungan ng sangkatauhan?
Ayon sa isang artikulong mababasa sa pahinang Green Earth, may ilang epektibong paraan upang mapanatili ang kaayusan at proteksyon para sa mga kahayupan.
1. Habitat conservation
Malaking tulong para sa wildlife ang siguruhing maayos ang kanilang tirahan.
Kapag napanatili ang kaayusan sa kanilang tahanan, masisiguro ang kaayusan ng kanilang buhay.
Bilang mga tao, nararapat na manguna ang mga ito sa pagsasaayos ng mga kagubatan upang maprotektahan ang mga hayop na nakatira doon.
2. Pag-aaral at pagsasaliksik
Mahalaga ang patuloy na pag-aaral upang mapalaganap ang kaayusan ng mga kagubatan.
Sa sistematikong pagsasaliksik, matitiyak ang restoration, adaptation, at balance sa habitat ng mga hayop.
3. Public Education and Awareness
Isa rin sa epektibong paraan upang masiguro na makatutulong ang mga tao sa hayop ay turuan sila sa mga tamang gawi para dito.
Kung may kaalaman ang mga tao sa maganda at hindi magandang gawi sa mga hayop, maiiwasan ang negatibong bagay na maaaring mangyari sa kanila.
4. Recycling
Ang simpleng pagre-recycle ay makatutulong sa pagpapalawig ng proteksyon sa mga hayop sa wildlife.
Sa tulong ng recycling, maiiwasan ang labis na basura at polusyon—na maaaring makasira sa buhay ng mga hayop.
5. Planting trees o reforestation
Hindi lamang dagdag oxygen ang dulot ng mga puno—ito rin ay nagbibigay-proteksyon at dagdag-nutrisyon para sa mga hayop.
Nagsisilbing pagkain at tirahan ang mga puno para sa ilang mga hayop sa kakayuhan, kung kaya’t mahalaga para sa wildlife ang pagyabong ng kagubatan.
Mahalaga na mapangalagaan ang mga hayop, sapagkat hindi lamang sila nakatira sa planeta—bagkus isa rin sila sa mahahalagang elementong bumubuo rito, na siyang bumabalanse sa lahat ng organismo sa mundo.