Tila nakikita raw ng political pundit at dating Presidential Adviser for Political Affairs na si Ronald Llamas na maaaring may koneksyon si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa lumitaw sa publiko na 18 na mga dating miyembro ng Philippine Marine.
Ayon naman sa naging panayam sa Sa Totoo Lang ng One PH kay Llamas noong Biyernes, Marso 13, sinabi niyang nakikita umano niya ang kamay ni GMA sa likod ng mga tumutulong sa 18 ex-Marines.
Matatandaang kasing sina Mike Defensor at dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief sa panahon ni GMA na si Gen. Hermogenes Esperon, Jr., ang isa sa mga nagpahayag sa publiko ng kanilang buong pagsuporta sa nasabing mga dating opisyal.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-AFP Chief Hermogenes Esperon, inihayag buong pagsuporta sa 18 ex-marines!
“Parang nakikita ko ‘yong kamay ni GMA dahil puro mga tao niya ‘yong nakikita ko ro’n,” pagsisimula ni Llamas.
Dagdag pa niya, “Si Mike Defensor, si Esperon, so mga GMA people ‘yon.”
Ani Llamas, hindi naman daw niya literal na sinasabing may koneksyon si GMA sa 18 ex-Marines ngunit sadyang nakikita lang daw niya posibilidad na ito.
“Hindi ko sinasabing si GMA, ha. Kung iko-connect mo lang ‘yong dotted lines, bakit nandoon si Mike Defensor na wala raw siyang kinalaman. Tumulong lang daw siya,” aniya.
Paglilinaw ni Llamas, maaari raw maging dahilan nito ang pagkakaroon ng koneksyon ni GMA kay Vice President Sara Duterte.
“Kaalyado ni GMA si Sara. Sabi nga ni Sara dati, ‘yon ‘yong kaniyang mentor,” saad niya.
“‘Di ba no’ng nagalit si Sara, no’ng tinawag niyang ‘tambaloslos’ si Martin Romualdez, over ‘yon do’n sa pagtanggal ni Speaker Martin Romualdez kay GMA as senior deputy speaker,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na kumpirmasyon o reaksyon si GMA kaugnay sa nasabi ni Llamas.
MAKI-BALITA: Llamas, bumwelta sa paratang na ‘kain suka’: 'Sino ba lumamon sa UniTeam?'