Sumagot ang political pundit at dating Presidential Adviser for Political Affairs na si Ronald Llamas sa akusasyong “kain suka.”
Idinidikit ang ganitong turing sa mga miyembro ng oposisyon dahil sa umugong na bulung-bulungan tungkol sa pakikipag-alyansa sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa darating na 2028 elections.
Kaugnay na Balita: Supporters ni ex-VP Leni, PBBM pinagsasanib-pwersa ni Trillanes sa 2028
Ngunit sa latest Facebook post ni Llamas nitong Biyernes, Marso 13, ipinaliwanag niyang maisusuka lang umano ang isang bagay kung ito ay kinain.
“Kain suka? Masusuka mo lang ang isang bagay kung kinain mo. Eh sino ba ang lumamon sa UniTeam noong 2022? Hindi ba ang Karton Network?” saad ni Llamas.
Dagdag pa niya, “Tawag diyan, nabahuan sa sariling utot at dumi. Kapag may tumawag sa inyo na ‘kain suka,’ ang sagot: utot mo! Baho mo yan!”
Matatandaang sa isang panayam noong 2025, sinabi ni Llamas na posible umanong suportahan ni Marcos, Jr. ang kandidatura sa pagkapangulo ni Naga City Mayor Leni Robredo sa 2028.
Ito ay sa kabila ng nakaraan ng dalawa bilang mahigpit na magkatunggali sa pagkapangulo noong 2022 at pagkabise-presidente naman noong 2016.