Nasakote ng pulisya ang 79 taong gulang na lalaki matapos niyang saksakin ang alagang pusa ng kaniyang kapitbahay.
Ayon sa mga ulat, mismong ang may-ari ng alagang pusa ang nakarinig nang malakas umanong pag-iyak nito mula sa labas ng kanilang bahay.
Bunsod nito, kaagad umano niyang tiningnan ang alaga kung saan tumambad sa kaniya ang dugaan nitong paa at may nakatarak na kutsilyo sa likurang bahagi.
Matapos masagip ang alaga, sinubukan ng may-ari ng naturang alaga na tukuyin ang salarin.
Sinundan umano niya ang mga bakas ng dugo mula sa kaniyang alaga hanggang sa mapagtanto niyang nagmula ito sa bahay ng suspek.
Samantala, kaagad namang umamin ang suspek sa ginawa niya sa pusa at dumipensang madalas daw umano itong pumasok sa kaniyang bakuran, dahilan upang atakihin niya ito.
Maswerte namamg nakaligtas ang pusa na kaagad ding nadala sa beterinaryo.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa Animal Welfare Act of 1998.