Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Giovanni Lopez nitong Miyerkules, Marso 11, 2026, na posibleng magkaroon ng taas-pasahe, ngunit kailangan pang muling kalkulahin ng ahensya ang magiging pinal na halaga nito.
Ayon kay Lopez, may nakabinbing petisyon para sa fare hike at kasalukuyang dumaraan ito sa karaniwang proseso kung saan nagbibigay muna ng rekomendasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa DOTr.
''Mayroong nakabinbin na petisyon, the process usually is for the LTFRB to make a recommendation. They submitted a recommendation po sa DOTr, binalik ko po yesterday. Sabi ko you have to recompute your numbers, you have to recrunch your numbers, mukhang hindi tugma,'' ani Lopez.
Dagdag pa ng kalihim, inaasahang muling magsusumite ng rekomendasyon ang LTFRB sa loob ng linggong ito matapos ang muling pagsusuri sa kanilang mga kalkulasyon.
Ang nakaambang taas-pasahe ay kasunod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan na may malaking epekto sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Samantala, iniutos na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pamamahagi ng tig-₱5,000 na cash assistance para sa mga driver ng public utility vehicles upang makatulong sa kanilang gastusin dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.
Inaasahang sisimulan ang pamamahagi ng naturang ayuda sa susunod na linggo sa Metro Manila.