Patay ang isang 33-anyos na Indian national matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nangongolekta umano ng bayad mula sa isang vendor sa Guinobatan, Albay noong Biyernes, Marso 6, 2026.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na pamamaril na kinasasangkutan ng dalawang biktima. Kinilala ang nasawi sa alyas na “Bombay.”
Ayon sa ulat, nangongolekta umano ng bayad ang biktima mula sa isang vendor nang bigla siyang lapitan at pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki.
Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa katawan at idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Isang bystander na kinilala sa alyas na “Bob” ang tinamaan din ng ligaw na bala sa insidente. Kasalukuyan siyang ginagamot sa ospital.
Nagsagawa rin ng crime scene processing ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) kung saan kinolekta at dinokumento ang mga ebidensiya na posibleng makatulong sa pagkilala sa suspek.
Bahagi ng imbestigasyon ang masusing pagkuha at pagsusuri ng mga CCTV footage mula sa mga establisimyento, bahay, at iba pang lugar sa posibleng dinaanan ng suspek bago at pagkatapos ng insidente.
Patuloy din ang pakikipanayam ng mga imbestigador sa mga saksi, vendor, residente, at iba pang posibleng nakakita sa pangyayari upang makakuha ng mahalagang impormasyon na makakatulong sa agarang pagkilala at pag-aresto sa suspek.
Samantala, nagsagawa na ng manhunt operations ang Police Regional Office 5 sa pamamagitan ng Albay Police Provincial Office at Regional Intelligence Division 5 upang hindi makatakas ang suspek.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga checkpoint at chokepoint, pagpapalakas ng police visibility, hot pursuit operations, at intelligence monitoring sa mga lugar na posibleng pagtaguan ng suspek.
Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa mga opisyal ng barangay, lokal na pamahalaan, at mga miyembro ng komunidad upang makakalap pa ng karagdagang impormasyon na makatutulong sa mas mabilis na pagkakaaresto sa suspek.